Hidilyn Diaz

[VIDEO EDITORIAL] Ang ‘amazing grace’ ni Hidilyn Diaz

Rappler
Si Hidilyn Diaz ay isang Pinay na pinanday ng kahirapan at pagsubok – kaya't gutom sa panalo. Pero pinatunayan niyang may puso rin pala siyang kayang yakapin lahat – kaibigan o kaaway – sa oras ng tagumpay.

Mabuti na lang grasyoso si Hidilyn Diaz.

Hindi na niya muling inungkat pa ngayong nasa tugatog siya ng tagumpay na minsan siyang idinawit ng Palasyo sa isang inimbentong matrix. Diumano, si Hidilyn Diaz ay isa sa mga taong nagpapakulong patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto.

Pero mukhang hindi grasyoso ang Presidente. Parang siya pa ang nagpatawad at nagparaya – sabay bato ng milyones na pabuya. 

Pero, nabibili ba ang paglimot? Lalo na kung walang apology? Mabuti na lang grasyoso si Hidilyn at nag-move on na lang siya. 

Ginagamit ang terminong “amazing grace” sa mga atletang bumabasag sa boundary ng sports at nagbibigay inspirasyon sa isang progresibong kamalayan.

Marami pa sa mga atleta natin ang nagpamalas ng amazing grace sa Olympics – mapababae man o mapalalaki – sa simpleng pagtatanggol sa bandila.

Dahil kabaligtaran sina Hidilyn, Nesthy Petecio, Eumir Marcial, at iba pang bumubuo sa Tokyo 19 ng mismong Presidente natin. 

Bahagi ng amazing grace ni Hidilyn ang tatag at tapang na maniwala sa sarili sa harap ng paninira at crab mentality. 

Isa siyang Pinay na pinanday ng kahirapan at pagsubok – kaya’t gutom sa panalo. Pero pinatunayan niyang may puso rin pala siyang kayang yakapin lahat – kaibigan o kaaway – sa oras ng tagumpay. 

Nagsindi rin siya ng sulo para sa ibang mga kababayang tulad ni Nesthy Petecio – na nag-uwi naman ng silver para sa Pilipinas.

Hindi siguro aksidente na mga babae ang pinakamalakas na pambato ngayong taon sa Olympics.

“Impossible, but it’s possible.” ‘Yan ang pagsusuma ni Hidilyn sa inakyat niyang matarik na bundok ng unang ginto sa Olympics ng Pilipinas. 

Paulit-ulit niyang sinasabi, sana’y magsilbing inspirasyon ang panalo niya sa mga Pilipino sa panahon ng pandemya. 

Batid daw niya na marami sa mga kababayan natin ang gusto na lang sumuko. 

Sana’y nakikinig tayong nakukuba na sa hirap kumita ng pera. Sana’y nakikinig ang oposisyon kay Hidilyn. Sana’y nakikinig tayong nawawalan na ng pag-asa sa paghihingalo ng demokrasya. Sana’y nakikinig tayong lahat. – Rappler.com

BASAHIN: [EDITORIAL] Ang ‘amazing grace’ ni Hidilyn Diaz