2022 Philippine Elections

[Newspoint] Ang tatlong dinastiya

Vergel O. Santos
[Newspoint] Ang tatlong dinastiya

Bongbong Marcos, Gloria Macapagal-Arroyo

'Kung manalo si Duterte at si Arroyo bilang mga pinuno ng Senado at Mababang Kapulungan, sila ang pangalawa at pangatlong opisyal na maaaring pumalit sa pangulo sakaling may mangyari dito'

The following is a Filipino translation by Nancy Pe Rodrigo of the piece titled “The three dynasties,”written by Vergel O. Santos under “Newspoint,” his fortnightly column for Rappler.

Tulad ng pandemya, Tsina rin ang pinagmulan ng ilang masasamang pangyayari sa buhay-pampulitika ng mga Pilipino. Ang pagkakaiba lamang ay motibo.

Sa Tsina man nagsimula ang coronavirus, malayo naman ang posibilidad na ito ay sadyang pinakawalan sa mundo. Ngunit ang pambibiktima ng Tsina sa Pilipinas — ito ay nangyayari dahil sa isang balak na may sabwatan, na maaaring lubusang magtagumpay sa pagsasanib ng puwersang Marcos, Duterte, at Arroyo sa halalang Mayo 2022.

Kilala ang Tsina sa pangmatagalang pagbabalak na inaabot ng ilang henerasyon, at ang balak sa Pilipinas ay maaaring nagsimula noong dekada-sisenta pa. Sa panahong iyon, sa loob ng kalahating henerasyong pamumuno ni Mao Zedong, nagsimula nang palawakin ng Tsina ang impluwensiya nito sa rehiyon, at palaganapin ang isang uri ng komunismo. Umabot ito sa Pilipinas at ang naunang impluwensiyang Marxismo mula sa Unyon Sobyet ay binago ng mga lokal na komunista nang naaayon sa Maoismo.

Isinulong ng mga Pilipinong komunista ang sariling-hubog na Maoismo at pinuri ang rebolusyonaryong tagumpay ni Mao Zedong sa Tsina, at anuman ang natamo nila ay ginamit ni Marcos na dahilan upang magdeklara ng batas militar noong 1972, na sinuportahan ng Estados Unidos, ang tradisyonal na tagapagtaguyod ng Pilipinas. Ngunit hindi naglaon, naiwan silang nakalutang sa hangin. Nang maging malapít at mabuti ang relasyon ng Estados Unidos at Tsina, pinapunta ni Marcos ang kanyang maybahay na si Imelda sa Tsina, upang mabighani si Mao, at ang naging bunga nito ay ang pagtatatag ng diplomatikong relasyon ng dalawang bansa noong 1975.

Nang mapatalsik si Marcos noong 1986, walang gaanong nangyari sa naturang relasyon, maliban sa pagbisita ni Cory Aquino, ang bagong halal na pangulo, sa bayan ng kanyang mga ninuno sa probinsiya ng Fujian.

Noong 1991, sa gitna ng masidhing pagpapahalaga sa kalayaan ng bansa, ipinasara at pinaalis ng pamahalaang Pilipinas ang base militar ng Estados Unidos ng Amerika, matapos ang 99 na taon. Ngunit nanatili ang kanilang kasunduan na ipagtatanggol ang isa’t-isa sakaling sila ay lusubin ng ibang bansa.

Samantala, hindi nagmadali ang mga Tsino: hindi ang tulad ni Aquino o Fidel Ramos, ang sumunod na pangulo, ang nasa isip nilang mga pinunong bukas at magpapaunlak sa kanila. Dumating ang pagkakataon nila sa napakahabang pamumuno (2001–2010) ni Gloria Arroyo.

Mula sa pagiging pangalawang pangulo, naging pangulo si Arroyo ng tatlong taon (2001–2004), upang ipagpatuloy ang naputol na termino ni Joseph Estrada, na natanggal sa pagkapangulo at nahatulan para sa  pandarambong. Kumandidato si Arroyo bilang pangulo noong 2004, nanalo (ng may pandaraya), at namuno ng anim na taon hanggang 2010.

Inaalagaan siya ng mga Tsino – binisita niya ang Tsina ng 10 beses. Ngunit kung may naging magandang bunga ang kanilang relasyon, natabunan ito ng isang iskandalong tinawag na NBN-ZTE.

NBN ang pangalan ng proyekto: National Broadband Network. Ito ang magkokonekta sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan. Isang Tsinong kompanya, na ang opisyal na pangalan ay Zhong Xing Telecommunication Equipment (mas kilala sa ZTE), ang kinontrata upang gawin ang proyekto sa halagang $329 milyon o P16.4 bilyon. Ngunit sumabog bigla ang balitang may nangyaring napakalaking panunuhol — isang-katlo o mga 33% ng halaga ng buong proyekto. Ang balitang ito ay ikinagalit ng mga tao, nakarating sa Kataas-taasang Hukuman ang kaso, at napilitan si Arroyong ipawalang-bisa ang kontrata. Dahil sa kanselasyon ay hindi natuloy ang kaso sa Korte Suprema.

Ang pumalit kay Arroyo sa pagkapangulo ay hindi madaling magpapaunlak sa Tsina, tulad din ng kanyang ina. Hindi hinayaan ni Benigno Aquino III, anak ni Cory Aquino, na makalusot si Arroyo at ang Tsina. Ihinabla ng pamahalaang Aquino si Arroyo sa krimeng pandarambong, at dahil ito ay walang piyansa ayon sa batas ng bansa,  nanatiling nakakulong si Arroyo habang nililitis ang kaso.

Dahil sa mga agresibo at mapanakop na hakbang ng Tsina sa West Philippine Sea, nagsampa ng kaso ang pamahalaan ni Benigno Aquino III  sa International Arbitration Tribunal ukol sa mga karapatan ng Pilipinas sa nasabing karagatan.

Kinilala ng korte ang mga karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea, ngunit nang ibaba ang hatol ay tapos na ang termino ni Aquino at nakaupo na ang bagong pangulong si Rodrigo Duterte — mapapahiya si Arroyo sa pagkiling at pagpapaunlak ni Duterte sa mga Tsino: hindi niya binigyang-pansin ang hatol ng korte at isinuko niya ang kontrol ng West Philippine Sea sa Tsina, kapalit ng mga pakinabang niya dito.

Ngunit ano nga ba ang nakuhang kapalit ng Pilipinas? Bilang isang kontroladong kliyente, mga pautang na may napakataas na interes at isa sa pinakamahinang klase at pinakamahal na bakuna – ang Sinovac. Samantala, nakuha ng Tsina ang isang napakahalagang karagatan sa rehiyon, kasama ang mga yaman nito. Para naman sa mga mamamayang Tsino na may negosyo sa Pilipinas at sa mga empleyado nila, mga pabor ukol sa buwis at imigrasyon ang ibinibigay sa kanila.

Samantala, nakabalik si Arroyo at muling naglulunoy sa pulitika. Ang Korte Suprema na pinunó niya ng mga kaalyado noong siya ang pangulo ang nagpawalang-sala sa kanya, ngunit ang una niyang pasasalamat ay kay Duterte — sa “paglikha ng kondisyon” na naghatid ng kanyang paglaya sa kulungan. Malamang ay pinasalamatan din si Duterte ng mga Marcos: ang mamamatay-tao, mandarambong, at diktador na ulo ng kanilang angkan ay nabigyan niya ng isang libing na angkop sa isang bayani.

Ang tatlong dinastiyang ito, na napakaraming pananagutan sa ating bansa, ay nagsanib, para sa kanilang sariling proteksiyon, at pinagsasaluhang kapangyarihan. Ang anak ni Marcos na si Ferdinand Jr. ay kumakandidato sa pagkapangulo, katambal ang anak ni Duterte na si Sara, para sa pangalawang pangulo. Ang amang si Duterte ay kuntento nang tumakbo para sa Senado, dahil isang termino lamang ng pagkapangulo ang pinapayagan ng Saligang Batas at hindi rin tiyak kung maaari siyang kumandidato para sa posisyon ng pangalawang pangulo. Si Gloria Arroyo naman ay walang kalaban bilang kandidato ng kanyang distrito para sa Kapulungan ng mga Kinatawan. Kung manalo si Duterte at si Arroyo bilang mga pinuno ng Senado at Mababang Kapulungan, sila ang  pangalawa at pangatlong opisyal na maaaring pumalit sa pangulo sakaling may mangyari dito.

Ang totoo, bawat isa sa kanila ay bababa ng isang baitang upang magbigay-daan sa kanilang kataas-taasang pinuno — si Xi Jinping. – Rappler.com