Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Walang naipasang batas si Bongbong Marcos habang senador

Rappler
HINDI TOTOO: Walang naipasang batas si Bongbong Marcos habang senador
Labinlimang Senate bills kung saan si Marcos ang may akda o kapwa may-akda ang naipasa bilang batas mula 2010 hanggang 2016
Buod
  • Ang sabi-sabi: Wala raw naipasang batas si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. habang siya ay nasa Senado.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Labinlimang Senate bills kung saan si Marcos ang may akda o kapwa may-akda ang naipasa bilang batas mula 2010 hanggang 2016.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Ipinadala sa email ng Rappler ang sabi-sabing ito. Nang isulat ang fact check, mayroon nang 391 retweets, 36 quote tweets, at 1,942 likes ang tweet na naglalaman ng sabi-sabi.
Mga detalye

Isang tweet noong Oktubre 27 ang nagkukumpara kay presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Senador Lito Lapid. Ayon dito, wala raw naipasang batas ni Marcos habang senador siya mula 2010 hanggang 2016.

Sabi ng tweet: “Si erap nga may dalawang batas na nagawa mas matindi si Lito Lapid may 16 pero yung taga Oxford waley!!!

Ipinadala sa email ng Rappler ang tweet para ma-fact-check. Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang 391 retweets, 36 quote tweets, at 1,942 likes ang nasabing post.

Hindi ito totoo.

Sa 15th Congress, noong 2010 hanggang 2013, may pitong Senate bills na naging batas kung saan nakalista bilang may akda o kapwa may-akda si Marcos.

Ang mga ito ay ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act, Arbor Day Act, Cybercrime Prevention Act, Expanded Anti-Trafficking in Persons Act, National Health Insurance Act, Red Cross and Other Emblems Act, at ang batas sa pagbuo ng pitong karagdagang sangay ng Regional Trial Court sa Mandaue, Cebu.

Must Read

Sa 16th Congress naman, taong 2013 hanggang 2016, walo ang naging batas mula sa mga Senate bills na si Marcos ang may akda o kapwa may-akda.

Ang mga ito ay ang Expanded Senior Citizens Act of 2010, Children’s Emergency Relief and Protection Act, Youth Development and Empowerment Act of 2014, Student-Athletes Protection Act of 2014, PAGASA Modernization Act of 2015, at Right-of-Way Act.

Kabilang din dito ang batas na nagpaliban ng eleksiyon para sa Sangguniang Kabataan noong 2013, at ang batas na nagpapahintulot sa punong barangay na mangasiwa ng oath of office sa sinumang opisyal ng gobyerno.

Lumabas ang sabi-sabi matapos makuwestiyong muli ang edukasyon ni Marcos sa Oxford University. Matatandaang paulit-ulit na nagsinungaling si Marcos at sinabing mayroon siyang bachelor’s degree mula sa Oxford University. Pero ang totoo, special diploma lang ang kaniyang natanggap matapos bumagsak sa mga pagsusulit. Hindi katumbas ng bachelor’s degree and special diploma.

Must Read

6 na sagot sa mga tanong tungkol sa pag-aaral ni Bongbong Marcos sa Oxford

6 na sagot sa mga tanong tungkol sa pag-aaral ni Bongbong Marcos sa Oxford

Marami na ring naisulat na fact check ang Rappler tungkol sa mga Marcos. – Pauline Macaraeg/Rappler.com

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.