Marcos ill-gotten wealth

Kung talagang nagnakaw ang mga Marcos, bakit wala pa ring nakukulong sa kanila?

Lian Buan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Kung talagang nagnakaw ang mga Marcos, bakit wala pa ring nakukulong sa kanila?
Magaling ang modus nila sa pagtago ng pera, at naging masalimuot din ang naging estratehiya ng gobyerno sa pagsasampa ng mga kaso

Kung totoong nagnakaw sa kaban ng bayan ang mga Marcos – katunayan, nabawi na ng gobyerno ng Filipinas ang nasa P174 bilyon, at may nakabinbin pang mga kasong may halagang P125 bilyon – bakit walang nakakulong sa pamilya ng yumaong diktador?

“A lot of cases have been dismissed and a lot of cases have been languishing in courts for the past 30, 35 years. How many Aquinos have we had for president? Two. If they (Marcoses) are really guilty, they (courts) had all the opportunity in the world. Why don’t they convict them?” ani Vic Rodriguez, abogado at tagapagsalita ng presidential aspirant na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa panayam niya sa Headstart sa ANC noong Huwebes, October 7.

(Marami nang kaso ang ibinasura, at marami na rin ang hindi na umusad sa mga korte sa nakalipas na tatlumpu o tatlumpu’t limang taon. Ilang Aquino na ang naging presidente? Dalawa. Lahat na ng pagkakataon sa mundo ay nasa kanila – bakit hindi nila mapatunayan ang sala ng mga Marcos?)

Dalawang beses nang nahatulan si Imelda Marcos, ang biyuda ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos. Pinawalang-sala siya ng Korte Suprema sa isang kaso noong 1998, habang inaapela niya rin sa kataas-taasang hukuman ang pinakabagong hatol sa kanya.

Para kay Ruben Carranza, dating commissioner ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), tatlo ang naghalo-halo nang dahilan kaya naging mahirap ang pagpapatunay ng sala ng mga Marcos:

  • Magaling ang modus ng pagtago nila ng pera sa ibang bansa.
  • Naging masalimuot ang estratehiya ng gobyerno.
  • May nangyari ring korupsiyon sa hudikatura.

“That’s been part of the problem, when you have a strategy that separates civil case from criminal cases, and operate separately, controlled by prosecutors who, at the very least, don’t talk to each other, or at most, reached by the tentacles of the Marcos family, then you do have a problem enforcing accountability,” ani Carranza sa panayam sa Law of Duterte Land podcast ng Rappler.

(Bahagi ‘yan ng problema kapag ang estratehiya mo ay paghiwalayin ang mga sibil at kriminal na kaso. Magkahiwalay ang mga galaw ‘nyo, at hindi nag-uusap-usap ang mga tagausig, kung hindi man sila maabot ng galamay ng mga Marcos. Magkakaproblema talaga kung paano sila mapananagot.)

Kung talagang nagnakaw ang mga Marcos, bakit wala pa ring nakukulong sa kanila?
Napatunayan na ang nakaw na yaman

Sa aspektong sibil, matagal nang napatunayan na may nakaw na yaman. Noong 2003, sinabi ng Korte Suprema na nakaw na yaman ang nasa $658 milyon na nakalagak sa mga Swiss foundation.

Hindi raw napatunayan ng mga Marcos na may legal na paraan para magkaroon sila ng ganoong kalaking pera, kaya ipinasauli ito sa gobyerno. Bahagi ito ng pondong hawak ng Philippine Commission on Good Government (PCGG) at ipinamamahagi sa mga biktima ng pang-aabuso sa karapatang pantao sa ilalim ng Martial Law, at sa mga magsasakang ninakawan ng buwis ng rehimeng Marcos.

(Basahin ang desisyon dito.)

Mula sa 2003 na desisyon ng Korte Suprema: G.R. No. 152154 Republic vs. Sandiganbayan

Dahil kasong sibil pa lamang ang nadesisyonan, perang isasauli lamang ang pinag-usapan dito at hindi ang pagpapakulong sa mga nasasakdal.

Wala pang batas para sa plunder o pandarambong ng higit P50 milyon noong panahon ng mga Marcos – 1991 lang ito naisabatas. Ang mga batas na nagpapataw ng kaparusahan (penal law), kagaya ng anti-plunder law, ay hindi maaaring gamitin sa mga krimen na nangyari bago nagkaroon ng mga kinauukulang batas.

Tatlumpu’t dalawang bilang ng dollar salting – o paglalagak ng dolyar sa ibang bansa nang walang pahintulot ng Bangko Sentral – ang kasong kriminal na isinampa ng gobyerno ng Filipinas laban sa mga Marcos.

Mismong imbestigador na sa Switzerland ang nagsuspinde ng perang ito. Bahagi nito ay naisauli na sa gobyerno ng Filipinas, at ang natitira ay nililitis pa.

Pero noong 2008, ibinasura ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang mga kaso dahil ang mga testigo lang daw ng gobyerno ay mga opisyal ng PCGG at ng Office of the Solicitor General (OSG) na nagpatunay ng mga dokumento mula Switzerland.

Gusto ng korte na sana man lang daw ay kumuha sila ng testigo tulad ng imbestigador mula Switzerland, o ahente o tagapamagitan ng mga Marcos.

Noong 2018, pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon ng korte sa Manila dahil ang petisyon na nakarating sa kanila ay ukol sa umano’y pagkiling ng hukom, at hindi raw ito napatunayan.

Napagalitan pa ng Korte Supreme ang mga tagausig dahil hindi raw inayos ng mga ito ang kanilang kaso. Sa maraming nababasurang kaso, maging sibil man, napapagalitan ang mga prosecutor dahil minsan ay photocopy lang daw ang mga dokumento.

Depensa ni Carranza, sa kaso ng dollar salting, ni hindi raw itinanggi ni Imelda na mayroon siyang mga dollar account. Ang mga dokumento mula sa Switzerland ay opisyal din naman daw na ibinigay ng Swiss government sa gobyerno ng Filipinas.

“This is a judge that pretended to be ignorant of the process. This is the travail of going after a family who was in power for more than 20 years and whose tentacles still reach into the judiciary,” sabi ni Carranza.

(Nagmamaang-maangan ang hukom na ito tungkol sa proseso. Ito ang problema kapag ang hinahabol mo ay isang pamilya na nasa kapangyarihan sa loob ng dalawampung taon – abot pa ng galamay nila ang hudikatura.)

Sa isang desisyon ng Supreme Court noong 1986, sinabi nitong may mga rekord na magpapatunay na ginamit ng yumaong diktador ang buo niyang kapangyarihan para babuyin ang hustisya sa kaso ng pagpatay kay dating senador Ninoy Aquino. Hindi pa rin nalulutas ang Aquino-Galman murder case.

(Basahin ang desisyon dito.)

Mula sa 1986 desisyon ng Supreme Court: Galman vs Sandiganbayan, G.R. No. 72670
Iba pang kaso ni Imelda

Noong 1993, hinatulan ng Sandiganbayan na maysala si Imelda sa dalawang bilang ng graft o pangunguwarta sa gobyerno kaugnay ng maanomalyang kontrata sa pagitan ng Light Rail Transit Authority at ng Philippine General Hospital Foundation Inc. Pero pinawalang-sala siya ng Supreme Court noong 1998.

Sabi ni Carranza, impluwensiya pa rin ng mga Marcos kung bakit ito nakarating sa Supreme Court.

Ang Korte Supreme kasi ay hindi tagasuri ng mga nangyari sa umano’y naging krimen. Tagaresolba ito kung may mali sa aplikasyon ng batas sa kinakaharap na kaso.

Ayon kay Carranza, nagamit dito ang impluwensiya ng dating solicitor general ni Marcos na si Estelito Mendoza. Siya ang abogadong nagawang iapela nang paulit-ulit sa Korte Suprema ang dapat ay talo nang kaso ng Philippine Airlines laban sa unyon ng mga manggagawa, at kalaunan ay naipanalo ito.

“We have to look at the context of this, that’s why I said the political context has to be considered as well when assessing or criticizing prosecutors,” sabi ni Carranza.

(Kailangang tingnan natin ang konteksto nito, kaya sinasabi kong kailangang ikonsidera ang kontekstong politikal kapag sinusukat o pinupuna ang mga tagausig.)

Noong 2018, ipinaaresto na ng Sandiganbayan si Imelda, matapos hatulan ito sa pitong bilang ng pangunguwarta sa gobyerno dahil sa mga ilegal na Swiss foundation.

Bagamat pinapayagan ng ating batas na makapagpiyansa ang mga nahatulang maysala sa ilang uri ng krimen, gaya ng pangunguwarta sa gobyerno, maaari itong bawiin kung may nilabag na panuntunan ang nasasakdal, tulad ng hindi pagdalo ni Imelda sa pagbasa ng hatol.

Pero dahil matanda na siya, at sunod sa dating utos ng Korte Suprema na bigyan ng makataong konsiderasyon ang matanda na ring akusado ng pandarambong na si Juan Ponce Enrile, pinayagan muli ng Sandiganbayan na makapagpiyansa si Imelda.

Nakabinbin pa rin sa Supreme Court ang apela.

Sa desisyon ng Sandiganbayan, sinabi nitong tagapakinabang ng dalawang ilegal na Swiss foundation sina Ferdinand Jr. o Bongbong (na kumakandidato sa pagkapangulo), si Imee (na ngayon ay senador), at si Irene.

“You don’t have to be 100% creative. I think you just have to be persistent and file charges for money laundering against the Marcos children,” sabi ni Carranza.

(Ni hindi mo kailangang maging 100% na madiskarte, kailangan mo lang maging masigasig at kasuhan ng money laundering ang mga anak ni Marcos.)

Mailap ang mga Marcos sa isyung ito. Hindi ito sinagot ni Imee noong tumatakbo siya pagkasenador noong 2019.

Sabi ni Bongbong sa panayam niya sa CNN Philippines noong Huwebes, Oktubre 7, hahayaan na lang daw nila ang korte na desisyunan ang apela ng kanyang ina.

Kung talagang nagnakaw ang mga Marcos, bakit wala pa ring nakukulong sa kanila?
Sino pa ang hahabulin?

Nitong Setyembre, ipinasauli ng Sandiganbayan ang mga bank certificate na nagkakahalagang P1 bilyon o higit pa.

Ayon sa desisyon, itinakas ng mga Marcos ang mga bank certificate nang lumipad sila papuntang Hawaii matapos ang People Power Revolution noong 1986.

Pero sino ang sisingilin dito?

Ang Royal Traders Holding Co. Inc.

Pero sino ang bangko na ito?

Binili noon ng Bank of Commerce ang Royal Traders Holding Co., pero ayon sa kontrata ay hindi aakuin ng Bank of Commerce ang mga pananagutan ng Royal Traders kaugnay sa kaso. Kaya binasura ng Sandiganbayan ang aspekto ng kaso laban sa Bank of Commerce, na kontrolado ng San Miguel Corporation.

Sabi ni Carranza, maaari pa ring habulin ng gobyerno ang Bank of Commerce.

“Para kang bumili ng lupa – ‘yung sabi ng may-ari ng lupa, ibinebenta niya dun sa bibili, pero may nakatira dun na baka lumabas lang o hindi niya alam na may nag-occupy ng lupa niya. Kasali ba ako sa bentahan ng lupa niya? Hindi,” sabi ni Carranza bilang paliwanag sa prinsipyong estoppel.

Sa isang pahayag, sinabi ng Bank of Commerce na magkaiba sila ng Royal Traders Holdings.

“BankCom wishes to clarify that it remains a separate legal entity from Royal Traders Holdings, Inc. or its predecessor Traders Royal Bank (TRB), and has no connection with the TRB-issued certificates subject of PCGG’s complaint,” sabi ng Bank of Commerce.

(Nililinaw ng Bank of Commerce na hiwalay itong legal entity sa Royal Traders Holdings o sa nauna ritong Traders Royal Bank (TRB), at wala itong koneksiyon sa bank certificate na inisyu ng TRB at hinahabol ng PCGG.)

Minsan nang nadawit ang San Miguel sa kaso ng mga nakaw na yaman ng mga Marcos. Sinabi ng Supreme Court na parte sa ipinambili ng shares of stock ng San Miguel ay mula sa buwis ng mga coconut farmer.

“I cannot comment because I have no information, I have no knowledge about this particular case. I do not know, I have had no involvement in Traders Royal Bank before or since. I really do no feel that I am qualified to comment on that case,” sabi ni Bongbong sa panayam sa CNN Philippines.

(Hindi ako makapagkomento kasi wala akong impormasyon, hindi ko alam ang kasong ito. Wala akong alam, wala akong naging kaugnayan sa Traders Royal Bank. Kaya tingin ko’y wala akong katayuan para magsalita tungkol sa kasong ito.) – Rappler.com

Basahin ang salin sa mga pangunahing wika sa Filipinas:

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Face, Happy, Head

author

Lian Buan

Lian Buan is a senior investigative reporter, and minder of Rappler's justice, human rights and crime cluster.