Bohol

[EDITORIAL] Mga pinuno ng Bohol, kaunting malasakit naman sa kapaligiran

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Mga pinuno ng Bohol, kaunting malasakit naman sa kapaligiran

Nico Villarete

Mismong mga negosyo rin sa Bohol ang maaapektuhan kapag na-degrade ang Chocolate Hills

Paano umabot sa puntong tatlong tourist establishments ang naipatayo sa Chocolate Hills? 

Bakit kailangan pang social media netizens ang sumita sa kamalian na humantong sa pagpapasara ng isang resort matapos ang ilang buwang operasyon? Hindi ba common sense dapat sa burukrasya – mula sa local government, sa environment department, hanggang sa DepEd na nagpa-swim meet pa sa resort – na maling magpatayo ng istruktura doon?

Lahat ng pumupunta sa Bohol, nagpapa-picture sa photogenic na Chocolate Hills. Pero higit pa riyan ang halaga ng hills. Ito’y “conical marine limestone hills” na nabuo dalawang milyong taon na ang nakalilipas. Maliban sa hills, mayroon ding mga kuweba, springs, at mga tunnel sa Chocolate Hills.

Naging protected zone ang Chocolate Hills nang idineklara ito ni Fidel V. Ramos na National Geological Monument noong 1997. Nominated din itong maging UNESCO Heritage site. 

Here are the facts:

  1. Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) walang environmental compliance certificate ang Captain’s Peak Resort.
  2. Sinabi ng DENR na nagpatuloy sa pag-o-operate ang Captain’s Peak Resort kahit binigyan na ito ng temporary closure order.
  3. Nag-swimming meet pa ang Bohol Department of Education sa Captain’s Peak.
  4. May dalawa pang establisimyento sa Chocolate Hills ang Bud Agta sa Carmen town at ang Sagbayan Peak viewing deck na nasa loob ng protected site.

Habang may tungkulin ang mga pamahalaang paigtingin ang pag-unlad sa pamamagitan ng turismo at pagpapalago ng mga negosyo – dapat hindi nakasisira ang mga negosyong ito sa likas na yaman ng bansa. Ang siste, kasama pa ang mga ahensiya ng gobyerno tulad ng Bohol DepEd sa naging parokyano ng Captain Peak’s Resort.

Sabi ng environment editor ng Rappler na si Jee Geronimo, “Kailangang maging proactive, hindi reactive ang gobyerno.”

At ‘yan ang nangyayari ngayon, puro react. Nagtuturuan. Meron namang hugas-kamay.

Sabi ni Bohol Governor Erico Aristotle Aumentado, “We will correct the cause of this mess.” Gagawin daw malinaw ang mga polisiya at guidelines. Pero hindi ba oversight din ng probinsiya ito? Maibabalik pa ba sa pristine condition ang mga lugar na ito? Sana’y hindi pa huli ang lahat.

Balancing act talaga ang progress at environmental preservation. Pero ipinapakita ng yugtong ito na salat sa malasakit sa kapaligiran ang mga ilang namumuno sa lokal na antas.

Madaling sisihin ang bureaucratic red tape sa ganitong mga pangyayari. Pero kung may nag-iisip ng long-term, dapat batid ng lahat ng pinuno mula sa local LGU, provincial government, at line agencies na mismong ang turismo na nagdadala ng P75.6 billion sa Bohol noong 2023 ang maaaring maapektuhan.

Sana lang, isapuso ang malasakit sa kapaligiran, dahil mismong mga negosyo rin ang magdurusa kapag na-degrade ang Chocolate Hills. Ayaw naman siguro nating magising isang umaga na mukha nang Makiling hot springs sa Pansol, Laguna – na pinutakti ng resort at swimming pool – ang Chocolate Hills. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!