2022 PH presidential race

[ANALYSIS] May sense ba ang plataporma ng presidential bets?

JC Punongbayan
[ANALYSIS] May sense ba ang plataporma ng presidential bets?
Maraming pagkakahawig ang mga plataporma ng mga presidential aspirants. Nagkakatalo na lang sila sa integridad at kakayahang tumupad sa mga pangako.

Tuwing eleksiyon, maraming Pilipinong botante ang ’di pumapansin sa plataporma ng mga presidential bet. Madalas pa ring nananaig ang personalidad, kasikatan, at itsura ng mga politiko.

Ngunit dapat magbago na iyan sa Mayo 2022. Masusi nating kilatisin ang mga plataporma. Napakalaki kasi ng nakasalalay: ang mabilis na pagbangon ng ating bansa mula sa pandemya at ang pagtatama ng magulo at mapanirang pamumuno – o kawalan ng pamununo – ng administrasyong Duterte sa nakalipas na limang taon.

Noong Nobyembre 3, nauna si Vice President Leni Robredo na maglatag ng kanyang kongkretong plano para sa bansa. Tinatawag niya itong “Kalayaan sa COVID.” (BASAHIN: Paano babangon agad ang ekonomiya?)

Ngunit ngayon, mas may ideya na tayo sa plataporma ng ibang presidential aspirants, salamat sa forum na isinagawa ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) noong Nobyembre 18.

Nagbigay ng kani-kanilang pre-recorded videos ang limang presidential bet bilang tugon sa mga tanong ng PCCI. Sumali sina Isko Moreno, Bong Go, Panfilo Lacson, Manny Pacquiao, at VP Leni Robredo.

Bagama’t inanyayahan daw ng PCCI ang lahat ng gustong tumakbo bilang presidente, ’di sumipot si Ferdinand Marcos Jr. Samantala, ’di raw inimbitahan ng PCCI si Leody de Guzman na galing sa sektor ng mga manggagawa. (’Di ba sineseryoso ng mga negosyante si De Guzman?)

Ano ang plano ng mga aspirants? Maganda ba ang mga iyon? Suriin natin.

Mga priyoridad sa unang 100 araw

Lahat naman ay nagsabing priyoridad nila ang kalusugan at kabuhayan ng mga Pilipino dahil nasadlak tayo sa malalang pandemya at krisis pang-ekonomiya.

Ngunit ipinahayag ni Moreno na babawasan agad niya ang buwis sa mga produktong petrolyo at kuryente. Aminado siyang mababawasan ang kita ng gobyerno. Ngunit maiibsan naman daw ang paghihirap ng mga konsumer. At dahil sa mas mababang buwis, baka mas ganahan din ang mga taong gumastos para umikot ulit ang pera sa ekonomiya.

Gusto namang doblehin ni Go ang bilang ng Malasakit Centers sa buong bansa sa unang 100 araw niya sa puwesto. Ngunit ano nga ba ang ambag ng Malasakit Centers na ito? ’Di ba mas mainam na ayusin ang pagpapatupad ng universal healthcare?

Gusto rin ni Go ng Department of Disaster Resilience, Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos, at Center for Disease Control. Ngunit ang sagot ba niya sa bawat problema ay bagong ahensiya?

Ani naman ni Pacquiao, tutulungan niya ang “daan-daang libong” walang trabaho. Pero sa katunayan, nasa 4.25 milyon pa rin ang walang trabaho noong Setyembre dahil sa pandemya. ’Di ba niya nakita ang datos?

Sang-ayon sa kanyang “Kalayaan sa COVID” plan, priyoridad ni VP Leni ang kalusugan at ekonomiya: suporta para sa healthcare workers, P216 bilyong ayuda para sa mahihirap, at pagpapabilis sa pagpapatupad ng universal healthcare. Dapat din daw ibalik agad ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno at mga institusyon nito.

Kahawig ito ng mga sinabi ni Lacson: naniguro siya ng “futureproof” na estratehiya ng gobyerno, pondo para sa universal healthcare, at pagbabalik sa tiwala ng tao sa gobyerno.

Maliliit na negosyo

Nagkaisa ang lahat na importanteng matulungan ng gobyerno ang maliliit na negosyo, o ’yung micro, small, and medium enterprises (MSMEs).

Paulit-ulit nabanggit ang statistic na 99.5% ng mga negosyo sa Pilipinas ay MSMEs, at sila ang responsable sa halos 63% ng lahat ng trabaho sa bansa. Marami ring nagbanggit ng ayuda tulad ng pautang na walang interes (zero-interest loans) para sa MSMEs.

Ayon kay Moreno, kailangang magkaroon ng “mini Marshall Plan” para sa MSMEs (tumutukoy ang Marshall Plan sa tulong ng US para makabangon ang maraming bansa mula sa World War II).

Ayon naman kay Go, tinulungan daw ng administrasyong Duterte ang MSMEs. Ngunit kitang-kita sa 2021 budget – at panukalang 2022 budget – na walang ayuda para sa kanila. (BASAHIN: Mali-mali pa rin ang budget priorities ni Duterte sa 2022)

Ani rin ni Go, MSMEs daw ang pangunahing beneficiaries ng CREATE Law na pinirmahan ni Duterte, na nagpababa sa buwis na ibinabayad ng mga korporasyon mula 30 hanggang 25%. Ngunit sa totoo lang, ’di malinaw ito: marami naman sa mga MSMEs ang hindi korporasyon at hindi makikinabang sa mas mababang corporate tax rate.

Gusto ni Lacson magtatag ng “Made for the Philippines” campaign para sa mga lokal na industriya – pasaring sa Pharmally scandal kung saan Chinese manufacturers ang pinagkunan ng PPEs, hindi Filipino manufacturers.

Samantala, si VP Leni lang ang nagbanggit ng statistics hinggil sa dami ng mga nagsarang negosyo, at nagbanggit ng halaga ng ayuda (P100 bilyon) na ibibigay para sa MSMEs.

Impraestruktura

Nagkaisa rin ang presidential bets sa pangangailangan sa impraestruktura.

Ngunit si VP Leni ang may pinaka-orihinal at radikal na proposal: dapat na nating itigil ang mga proyektong sumesentro masyado sa mga kotse, at sa halip ay mag-focus sa kapakanan ng commuters, pedestrians, bikers, atbp. Aniya, “Our goal is to make roads for people, not cars.” Kailangan natin ng mas maraming bus rapid transits, protected bike lanes, railways, atbp.

Sa tingin ko ito ang pinakamagandang tugon sa tanong hinggil sa impraestruktura. Tulad ng isinulat ko noon, hindi solusyon sa trapik ang simpleng pagtatayo ng mas maraming kalsada at tulay. (BASAHIN: Carmageddon redux: Will building more roads solve our traffic problems?)

Para naman kay Moreno, pabahay ang magiging focus ng Build, Build, Build ng kanyang administrasyon.

Gusto naman ni Lacson ng “realistic targets” para sa Build, Build, Build. At magtatatag daw siya ng geotagging system upang makilatis ng publiko ang mga proyektong impraestruktura (bagama’t nasimulan na ito ng mga naunang administrasyon). Sa forum, siya lang ang nagbigay-diin sa “climate-resilient” infrastructure.

Itutuloy daw ni Go ang Build, Build, Build ni Duterte, kabilang ang mga naudlot na inter-island linkages. Ngunit matatandaang naudlot ang mga ito dahil sobrang lalim pala ng karagatan sa pagitan ng ilang isla, at ’di madaling magtayo ng mga tulay roon.

Ayon kay Pacquiao, skyways pa rin ang solusyon, bukod sa subway system at bullet train na gusto niyang maitayo mula hilaga hanggang timog ng bansa.

Allergic din si Pacquiao sa ideya ng pag-utang ng gobyerno: kung mayaman daw ang Pilipinas, bakit daw tayo utang nang utang? Dapat daw palakasin ang kita ng gobyerno, ’di lamang mula sa mga buwis, kundi pati sa “non-tax revenues.” Palibhasa, parehas lang daw ang pera ng gobyerno sa pag-manage ng pera ng isang pamilya, tulad ng Pacquiao residence.

May mga problema sa mga katagang ito:

Una, kahit kailan ay buwis talaga ang magiging pangunahing source ng pondo ng gobyerno. Noong 2020, 88% ng kita ng gobyerno ay galing sa mga buwis.

Ikalawa, ’di parehas ang pera ng gobyerno sa pera ng isang tahanan. ’Di tulad ng Pacquiao residence, kayang mag-imprenta ng gobyerno ng pera, at higit na malalim ang maaaring utangan upang gastusan ang mga pangangailangan nito.

Kaya naman okey lang na sumobra ang gastos ng gobyerno kumpara sa kita nito. Ang tawag doon ay “budget deficit.” At normal lang din na umutang para punan ang kakulangang iyon – basta sa wastong mga proyekto napupunta ang mga inutang.

Ikatlo, sinabi rin ni Pacquiao na kailangang pababain ang buwis na ibinabayad ng mga korporasyon mula 25 hanggang 15% (“15 flat”). Kulang pa raw ang ibinaba noon dahil sa CREATE Law.

Ngunit paano lalaki ang kita ng gobyerno kung gusto niyang lalong lumiit ang ibabayad ng mga kompanya? Sabi nga ng mga Gen Z ngayon: make it make sense.

Agrikultura

Ayon sa mga gustong kumandidato sa pagkapangulo, kailangang tutukan ang agrikultura, at halos lahat sila ay allergic sa ideya ng palagiang importasyon ng bigas, karne, isda, at gulay. Kailangan daw ng food security at self-sufficiency.

’Di na mawawala ang ganyang mga kataga sa bawat eleksiyon. Magandang pakinggan. Ngunit kailangan din nating maging realistic: hangga’t ‘di ayos ang mga problema sa agrikultura, ’di mawawala ang pangangailangang mag-import ng pagkain.

Halimbawa, kailangang lutasin ang overfishing sa bansa na puno’t dulo ng pagkaubos ng mga isda. Kailangan ding tulungan ang hog raisers na namatayan ng sandamakmak na alagang baboy dahil sa African swine fever.

Lahat ay nagsabi na kailangang i-modernize ang agrikultura, at mag-provide ang gobyerno ng post-harvest at storage facilities. Ani Lacson, 35.8% lang ng lupaing puwedeng magkaroon ng irigasyon ang may irigasyon.

Marami sa mga presidential bets ay nalungkot din na wala na masyadong interesadong magsaka sa mga kabataan ngayon, at kailangang pondohan ang pag-aaral ng bagong henerasyon upang magsaka ulit sa kalaunan.

Ngunit normal lang ito habang umuunlad ang isang bansa. Imbes na hikayatin ang mga anak ng magsasaka at mangingisda na manatili sa agrikultura, kailangang tutukan ang productivity ng sektor upang lalong padamihin ang kanilang ani at huli – kahit ’di na kasindami ang tao sa mga trabahong ito.

Samantala, si VP Leni lang ang nagbigay-diin sa pagpapalakas ng “blue industries,” kabilang ang aquaculture, maritime transport, ship building, etc. Dahil tayo ang pan-limang bansa na may pinakamahabang coastline at pangalawang bansa na may pinakamalaking maritime domain, aniya, puwede tayong maging “leading maritime power.” Magandang punto.

Ani Moreno, magtatatag siya ng Department of Fisheries and Aquatic Resources, na ibubukod na sa Department of Agriculture. Ngunit kailangan nga ba ang dagdag na ahensiyang ito?

Pagbangon ng ekonomiya

Ayuda at pautang para sa mga negosyo, lalo sa MSMEs, ang nakikitang solusyon ng maraming presidential aspirants para mabilis na makabangon ang ekonomiya. Ngunit bukod dito, sinabi rin nilang kailangang pabanguhin ang imahe ng Pilipinas sa foreign investors.

Ani Lacson, kailangang padaliin ang pagbabayad ng buwis, tigilan ang labis-labis na regulasyon sa mga negosyo, at palakasin ang social welfare programs na mag-uudyok sa mga taong magtrabaho at ’di lang umasa sa ayuda.

Ani VP Leni, kailangang pagtuunan ng pansin ang presyo ng kuryente, mabagal na internet, at pangit na facilities. Kamukha ito ng mga isyung binanggit ni Pacquiao: kuryente, internet, at mataas na buwis.

Ani Moreno, kailangang tiyaking magkakaroon ng katiyakan at predictability sa pagnenegosyo sa bansa, rerespetuhin ng gobyerno ang mga kontrata nito sa pribadong sektor, at hindi pabago-bago ang rules. Malinaw na patama ito sa mga naging away ni Duterte sa malalaking negosyante sa nakalipas na limang taon.

Digital transformation, R&D

Lahat ay nagkakaisa sa pangangailangan ng mas malalim na digital transformation sa bansa, kabilang ang digitalization ng mga transaksiyon ng gobyerno at ang malawak na paggamit ng national ID. Ayon kay Go, magtatayo siya ng 10,000 hanggang 20,000 free Wi-Fi sites sa bansa. Si Lacson naman, gustong tutukan ang National Broadband Plan.

Binanggit din nina VP Leni at Lacson ang pangangailangan sa mas malaking paggastos sa research and development (R&D), dahil napakaliit pa rin ng gastos ng gobyerno roon.

Edukasyon

Magkamukha rin ang mga panukala ng mga aspirants pagdating sa edukasyon. Ngunit sa palagay ko si VP Leni ang may pinaka-kongkretong plano: halimbawa, siya lang ang nagsabing dapat doblehin ang budget ng gobyerno sa edukasyon (sang-ayon sa rekomendasyon ng United Nations), at dapat magtatag ng national learning assessment program at remediation program para maawat ang “learning losses” dahil sa pandemya.

Bagama’t binigyang-diin nina Pacquiao at Go ang pagtatapos ng mga bata sa kolehiyo (sang-ayon sa college-going culture sa ating bansa), lahat ay nagkaisa sa pangangailangang paigtingin pa ang tech-voc sa bansa. Nabanggit din nina Pacquiao at Lacson ang paid internship programs sa gobyerno.

Magkakatulad na plataporma

Kung tutuusin, magkakahawig at may malalaking overlaps ang mga plataporma at panukalang polisiya ng limang presidential aspirants na dumalo sa forum ng PCCI. ’Di ito kagulat-gulat: ’di naman bago ang mga solusyon sa maraming problema ng bansa.

Tingin ko, nagkakatalo na lang sila sa tunay na pag-unawa sa mga isyu, pagkakaroon ng komprehensibo at kongkretong plano, pagsusuri sa mga datos at pakikinig sa mga eksperto, pagkakaroon ng integridad at kakayahang tumupad sa mga pangako, pagkakaroon ng tunay na malasakit sa kapakanan ng mga Pilipino, at paglaban sa mga mali at masasamang gawi ng administrasyong Duterte simula’t sapul pa lang. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD, is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

JC Punongbayan

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations.