Philippine GDP

[ANALYSIS] Inflation, ’di hadlang sa gastos ng mga Pinoy?

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Inflation, ’di hadlang sa gastos ng mga Pinoy?

ALEJANDRO EDORIA

Oo, mataas-taas ang growth ngayong ikatlong quarter at madaling makakamit ang growth target ngayong 2022. Ngunit ’di pa rin humuhupa ang inflation at marami pa rin tayong kinakaharap na problema.

Bumulagta sa lahat ang report ng gobyerno noong Nobyembre 10 na sa ikatlong quarter ng 2022, lumago ang paggastos sa ekonomiya nang 7.6%.

Sa isang banda, at sa unang tingin, kabilib-bilib ito dahil mas mataas sa 6.1% median estimates ng iba’t ibang ekonomista.

Marami kasi ang nag-alala na ang mataas na inflation (o masyadong mabilis na pagtaas ng mga bilhin) ay maaaring magpabagal sa paggastos ng mga Pilipino. But no. Tuloy-tuloy lang pala ang gastos.

Sa katunayan, makikita sa Figure 1 na ang pinakamalaking sanhi ng paglago ng ekonomiya ay consumption spending o paggastos ng mga pamilya at indibidwal.

Kung susuriin pa lalo, makikita sa Figure 2 na ang pinakamalaking sanhi ng paglaki ng consumption ay mula sa restaurants at hotels. Kasabay ito ng pagbubukas ng ekonomiya at pagluluwag ng face mask requirements.

Lumalaki rin ang kontribusyon ng transportasyon, lalo na’t nagbukas na rin ang face-to-face classes sa mga paaralan. Kitang-kita naman natin ito sa grabeng paglala ng trapik.

Samakatuwid, malaki ang kinalaman ng pagbubukas ng ekonomiya sa paglago nito.

Red flags

Sa kabilang banda, kahit papaano’y makikita na rin sa datos ang epekto ng tumataas na inflation, na noong Oktubre ay umabot na sa 7.7% (pinakamataas sa loob ng halos 14 taon).

Una, mapapansin sa Figure 2 na sa mga nagdaang tatlong quarter ay paliit nang paliit ang kontribusyon ng pagkain sa growth ng consumption. Sanhi ba ito ng pagtaas ng food inflation sa mga nakalipas na buwan?

Ikalawa, makikita sa Figure 3 na bagama’t lagpas 20% ang paglago ng investments noong ikatlong quarter, ito’y dahil sa paglaki ng imbentaryo, o mga produktong nilikha ngunit hindi nabili at inimbak muna.

Usually, masamang senyales ito. Bakit matumal ang sales ng ibang produkto? Bakit hindi sila nabibili?

Mapapansin din sa Figure 3 ang pagliit ng kontribusyon ng construction. Bakit may mga construction projects na ’di natutuloy? Epekto ba ito ng mataas na presyo ng materyales sa pagpapatayo ng bahay o gusali?

Utang

Paano nakagagastos ang mga pamilyang Pilipino kahit na grabe ang pagtaas ng mga bilihin?

Una, para sa maraming pamilya, paubos na ang kanilang savings. Makikita sa Figure 4 na sa ikatlong quarter ng 2022 ay bumaba ang porsiyento ng mga household na may savings at kayang magtabi ng savings sa kasalukuyang quarter.

Isa pang paraan ay ang pangungutang. Makikita rin sa Figure 5 na tumataas ang porsiyento ng mga household na nagsabing uutang sila sa susunod na quarter at sa susunod na taon.

Pinapatunayan din ito ng datos mula sa Bangko Sentral. Malakas ang paglago ng pautang ng mga bangko, lalo na ang credit card loans at loans na inaawas sa suweldo ng mga empleyado.

Gayunpaman, marahil dahil sa masyadong mataas na inflation, dumarami na rin ang mga households na napapaisip muna kung okay bang bumili ng kotse, appliances, o bahay at lupa sa susunod na buwan (Figure 6).

Mga sektor

Pagdating naman sa mga sektor ng ekonomiya, makikita sa Figure 7 na nagmula pa rin sa services ang bulto ng growth noong ikatlong quarter.

Lumaki ang kontribusyon ng wholesale at retail trade, pati ang hotels and restaurants – indikasyon ng mas madalas na pagpunta sa mall ng mga tao, mas matapang na bumiyahe nila sa tourist destinations, at pagkain nila sa labas. Kabilang dito iyong tinatawag na “revenge spending.” Lumaki rin pala ang kontribusyon ng financial at insurance services.

Ang problema, mas matumal ang growth ng industriya (Figure 8) dahil humina ang sektor ng construction. Muli, sanhi ba ito ng tumataas na presyo ng materyales?

Naka-recover na tayo?

Isa sa pinakamalaking takeaway sa datos ay makikita sa Figure 9. Sa wakas ay nakarecover na ang ekonomiya natin, kung ang ibig sabihin ng recovery ay ang pagbabalik natin sa antas ng produksiyon noong katapusan ng 2019 (o bago sumapit ang pandemya).

Sa katunayan, ang paggastos ng gobyerno noong ikatlong quarter ng 2022 ay mas malaki sa 2019 levels nang mahigit 14%, samantalang ang consumption ay mas malaki nang 2.9%, at exports 3%.

Ang problema, ang investments ay 11% pa ring mas mababa kumpara sa 2019 levels.

Napakarami pa rin kasing uncertainties o ’di kasiguraduhan sa pamumuhunan sa bansa. At maraming bansa nga ang nanganganib bumagsak sa mga susunod na buwan dahil sa nakaambang “global recession.” Kaya ’di muna naglalagak ng pera ang maraming investors.

Isa pa, ang pagbabalik sa 2019 levels ng GDP ang madaling definition ng recovery. Ang mas mahalagang itanong: kailan makababalik ang ekonomiya sa tinatahak nitong landas o “trajectory” bago sumapit ang pandemya?

Makikita sa Figure 10 na kahit makamit ng administrasyong Marcos ang growth targets nito (6.5%-7.5% ngayong taon, at 6.5%-8% simula 2023 hanggang 2028), ’di tayo makababalik sa pre-pandemic trajectory hanggang 2034, o sa katapusan pa ng administrasyon pagkatapos ni Marcos.

Ganoon kalalim ang mga sugat na idinulot ng pandemya. Kasama na rin diyan ang epekto ng mahigit dalawang taong pagsasara ng mga paaralan.

Maraming analysts ang nagsasabing malamang bumagal pa ang growth sa mga susunod na quarter dahil sa patuloy na pagtaas ng interest rates sa buong mundo, at paparating na global recession.

Isa pa, dahil lugmok ang ekonomiya noong 2020 at 2021, anumang growth ngayong 2022 ay magrerehistro bilang mataas na growth. Ito ang tinatawag na “base effect.” Ngunit tuluyan nang mawawala ang base effect na ito sa mga susunod na quarter, kaya lalabas na ang tunay na anyo ng growth. Magkakaalaman na.

Samakatuwid, oo, mataas-taas ang growth ngayong ikatlong quarter at madaling makakamit ang growth target ngayong 2022. Asahang titindi rin ang paggastos dahil sa paparating na Kapaskuhan.

Ngunit ’di pa rin humuhupa ang inflation, at bukod doon ay marami pa rin tayong kinakaharap na problema. ’Di dapat maging kampante ang lahat, lalo ang administrasyong Marcos. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ Podcast.

1 comment

Sort by
  1. ET

    Tama. “‘Di dapat maging kampante ang lahat, lalo ang administrasyong Marcos.” Paano if palaging on official travel si President, ayaw magdelegate at DA & DOH at palaging “running in place”?

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.