2022 Philippine Elections

[ANALYSIS] Hindi hawak ng surveys ang kapalaran ng Pilipinas

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Hindi hawak ng surveys ang kapalaran ng Pilipinas
Tulad ng mga bituin, hindi hawak ng surveys ang kapalaran ng ating bansa. Gabay lamang ang surveys, at maaari rin tayong dalhin sa maling landas paminsan-minsan.

Ngayong 2022, naglipana ang samut-saring surveys. Bukod sa kilalang Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia, marami pang ibang survey firms na nagsulputang parang kabute.

Ang tanong: sino sa kanila ang dapat pakinggan at paniwalaan? Sino ang dapat ma-feature sa TV o radyo? Gaano ka-accurate ang mga numerong kanilang inilalabas?

Unang una, dapat tingnan ang reputasyon ng survey firms.

Sa ganitong pamantayan, mas may bigat ang mga numerong galing sa mga kilala at established na survey firms tulad ng SWS at Pulse Asia. Samantala, dapat maging mas kritikal sa survey firms na bago pa lamang at ’di pa subok ng panahon.

Ngunit ’di hamak na mas importanteng suriin ang methodologies o paraan kung paano isinasagawa ang surveys.

Ang pangunahing puna na naririnig ko sa mga kaibigan at kamag-anak ay: Ilan ba ang sinusurvey? Bakit 1,200 o 2,400 lang? Bakit sa tinagal-tagal ay ’di naman ako na-survey?

Hindi ito mainam na kritisismo. Ang punto nga kasi ng survey ay ’di mo kailangang tanungin lahat ng Pilipino upang malaman ang mga sentimyento ng bayan—imposible iyon at katakot-takot ang gastos.

Katulad iyan ng routine blood test: para malaman mo ang lagay ng kalusugan ng isang tao, ’di mo naman dapat i-extract ang lahat ng kanyang dugo. Sapat na ang katiting na sample.

Pagdating sa surveys, may statistical formula na ginagamit upang malaman kung ano ang sapat na bilang ng taong isu-survey. At lumalabas na sa maraming pagkakataon, sapat na ang 1,200 o 2,400 respondents upang mapulsuhan ang taumbayan.

Ang mas importanteng tanong: Sino-sino ang sinusurvey?

Pansining marami sa bagong “surveys” ay isinasagawa lang sa social media platforms tulad ng Facebook at Twitter. Bagama’t convenient, ang mga “survey” na ito ay ’di sumasalamin sa pulso ng taumbayan – at sa totoo’y hindi dapat inilalathala.

Ang problema kasi, maaaring binibigyang boses ng mga “survey” na ito ang ilang sektor ng ating lipunan, samantalang ini-etsapuwera ang iba pang sektor.

Halimbawa, paano na lang ’yung mga mahihirap o nakatira sa liblib na mga lugar, na wala namang social media accounts o internet access? Kung boses ng mayayaman at nasa siyudad ang nakukuha ng surveys, hindi ito fair at accurate. Biased ito.

Sakit ito ng maraming “surveys,” halimbawa, na isinagawa at na-share ng ilang news organizations tulad ng Manila Bulletin (to be fair, noong Oktubre 2021 ay naglabas din ng Facebook presidential survey ang Rappler—nag-sorry naman ang Rappler sa kamaliang iyon).

Pero sa totoo lang, ’di rin ligtas ang mga sikat na survey firms sa ganitong kamalian o depekto.

Halimbawa, basahin ninyo ang Facebook posts ni Dr. Romulo Virola, dating secretary general ng dating National Statistical Coordination Board (NSCB), na parte na ngayon ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Sinuri ni Dr. Virola ang Pulse Asia survey noong Pebrero 18-23, 2022 na mayroong 2,400 adult respondents. Lumabas sa survey na iyon na 60% ang boboto sa anak ng diktador na si Ferdinand Marcos Jr., samantalang 15% lang kay Vice President Leni Robredo.

Pansinin na bagama’t may breakdown ng mga numero ayon sa lokasyon (NCR, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao), pagdating sa socioeconomic classes ay hindi kumpleto. Tanging socioeconomic classes C, D, at E lang ang kasali. Walang A and B. At ’di lang noong Pebrero, pati noong Enero at Marso 2022.

Ibig sabihin, ’di sinasalamin ng survey results ang sentimyento ng class A at B (tingnan ang graph sa ibaba).

Sa kabilang banda, underrepresented o kulang-kulang ang nakuha mula sa class C at E, samantalang overrepresented o sobra-sobra ang nakuha mula sa class D.

Narito ang problema. Paano na lang kung marami palang “kakampinks” sa A at B? Eh ’di sana ’di lang 15% ang numero ni VP. Samantala, kung maraming Uniteam supporters sa A at B, eh ’di sana mas malaki sa 60% ang porsiyento ni Marcos Jr.

To be fair, hindi naman daw sinasadya ng Pulse Asia na hindi maisali ang A at B sa kanilang surveys kamakailan.

Halimbawa, sinabi ng kanilang presidente na malamang 1-4% lang ng mga rehistradong botante ang nasa A at B. Kaya sa survey nila sa 2,400 katao, maaaring wala silang ma-interview mula sa mga grupong ito.

Pero parang mahirap paniwalaan ito. Ang 1-4% ng 2,400 ay 24 hanggang 96 katao. Posible bang ni isa ay walang taong mula sa A at B?

Natagpuan din ni Dr. Virola na base sa socio-economic classification ng PSA noong 2017, nasa bandang 8.78% ng ating populasyon ang maituturing na kabilang sa classes A at B. Malayo sa sinasabi ng presidente ng Pulse Asia na 1-4% lang ng registered voters ang nasa A at B.

Ang isa pang posibleng dahilan, ayon sa presidente ng Pulse Asia, ay maraming respondents sa A at B ang nakatira sa condos, subdivisions, at exclusive communities na mahirap maabot ng mga enumerators o nagsasagawa ng surveys. At marami raw respondents ang maaaring tumangging ma-interview.

Pero kung ganito ang problema, dapat ayusin ang methodology at piliting maisama ang lahat ng socioeconomic classes sa survey results – imbes na i-publish agad nang ’di kasali ang A at B.

Bukod sa socioeconomic classes, dapat maging “representative” din ang surveys nila para sumalamin ito sa lahat ng grupo base sa edad at natapos sa pag-aaral o educational attainment.

Oo, magastos ito. At kailangang i-review at siguro’y i-repaso ang methodologies. Pero ayon kay Dr. Virola, magandang gawin ito alang-alang sa kredibilidad at survival ’di lamang ng Pulse Asia, kung hindi pati na rin ng ibang legit survey firms.

Dahil sa ’di pagsali ng Pulse Asia sa socioeconomic classes A at B, ayon kay Dr. Virola, “If there are relatively more Leni supporters from the young, those with higher educational attainment, and those belonging to higher socio-economic classes, together with the non-inclusion of respondents from the A & B socio-economic classes, then the [Pulse Asia] survey is indeed, biased against Leni as some people suspect.”

Narito ang dalawang takeaways ko:

Una, sa puntong ito, kung kailan mga 10 araw na lang bago ang eleksiyon, kumalma at huwag nang masyadong tumingin sa surveys. Mag-focus na lang tayo sa mga kampanya, at ibigay na natin ang lahat ng ating maibubuga. It’s now or never.

Ayon nga sa higanteng pink na poster ng Phinma Properties sa EDSA – sa tabi ng Uniteam headquarters doon – “Surveys don’t decide elections. VOTES DO!” Tumpak.

Ikalawa, pagkatapos ng eleksiyon, dapat mag-soul-searching na ang survey industry sa Pilipinas: panahon na upang i-review ang methodologies na ginagamit ng iba’t ibang survey firms at magtatag ng mga opisyal na pamantayan o standards hinggil sa mga iyon. Utang nila iyon sa publikong kanilang sinusurvey at kumukonsumo ng kanilang mga numero.

Noong high school ako, lagi kong napapanood tuwing umaga – habang naghahanda para sa school – ang “Syzygy” segment ng astrologer na si Zenaida Seva.

Bukod sa kanyang iconic braid, sumikat siya sa linyang: “Hindi hawak ng mga bituin ang ating kapalaran. Gabay lamang sila. Meron tayong free will, gamitin natin ito.”

Tulad ng mga bituin, hindi hawak ng surveys ang kapalaran ng ating bansa. Gabay lamang ang surveys, at maaari rin tayong dalhin sa maling landas paminsan-minsan.

Meron tayong free will, gamitin natin ito sa Mayo 9. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

JC Punongbayan

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations.