Philippine economy

[ANALYSIS] Bakit hindi pa ‘fully recovered’ ang ekonomiya ng Pilipinas

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Bakit hindi pa ‘fully recovered’ ang ekonomiya ng Pilipinas
Maaaring makabalik sa dating landas ang ating ekonomiya sa 2028, sa katapusan ng administrasyon ni Marcos Jr., kung kailan halos P35 trilyon ang produksiyon ng bansa kada taon

Noong Agosto 8, ipinagmalaki ni Finance Secretary Ben Diokno sa isang interview na “fully recovered” na raw ang ekonomiya ng Pilipinas sa pandemya. Aniya, nakabalik na raw tayo sa antas ng produksiyon bago sumapit ang COVID-19.

Hindi iyon totoo. Hindi pa tayo “fully recovered.”

Una, puwedeng sabihing “fully recovered” na tayo kung ang kabuuang produksiyon ng ating ekonomiya – na sinusukat ng GDP o gross domestic product – ay humigit na sa produksiyon noong huling quarter ng 2019 (Oktubre-Disyembre).

Pero ayon sa datos, nasa 95% pa lang tayo ng produksiyon noong katapusan ng 2019. Samakatuwid, malapit na tayong maka-recover – pero wala pa talaga tayo roon.

Ikalawa, at mas mahalaga, mas akmang sabihin na fully recovered na tayo kung makabalik na ang produksiyon sa trajectory o landas na tinatahak nito bago ang pandemya.

Makikita sa Figure 1 na bago ang COVID-19 pandemic ay pataas naman nang pataas ang produksiyon ng bansa. Ngunit bumagsak ito nang halos 10% noong 2020 dahil sa sunod-sunod na lockdowns at palpak na pag-responde ng Duterte administration sa pandemya.

Kung hindi sana nangyari ang pandemya – at kung hindi sana ganoon kalala ang pandemic response – ay tuloy-tuloy lang dapat ang paglago ng ekonomiya natin (yellow line).

Paano tayo makababalik sa dating landas ng ating ekonomiya?

Maaaring mangyari iyon sa 2028, sa katapusan ng Marcos Jr. administration, kung kailan halos P35 trilyon ang produksiyon ng bansa kada taon. Pero maaabot lang natin iyon kung lumaki ang ekonomiya natin nang 9.18% taon-taon mula 2022 hanggang 2028 (green line).

Figure 1.
Suntok sa buwan

Kaya ba ang 9.18% taon-taon? Mukhang mahirap.

Makikita sa Figure 2 ang paglago ng ating ekonomiya kada tatlong buwan o quarterly. Ibinalita ng gobyerno noong Agosto 9 na pumalo sa 7.42% ang growth noong Abril-Hunyo 2022.

Figure 2.

Sa unang tingin, mukhang impressive ang 7.42%. Mula 2014 hanggang 2016 kasi, pumalo sa 6.54% ang growth ng bansa on average – at dati, impressed na tayo sa 6.54%.

Ngunit ang 7.42% noong 2nd quarter ay mas mababa sa 8.15% na paglago ng ekonomiya natin noong unang quarter (kung saan naging malaking bagay malamang ang election spending sa paggastos ng mga tao). Mas mababa rin iyon sa 7.5% na median forecast ng mga analysts na tinanong ng BusinessWorld.

Ang pinakamahalaga, mas mababa ang 2nd quarter growth sa kailangan upang makamit ang 9.18% na annual growth patungo sa “full recovery.”

Halimbawa, upang makamit ang 9.18% ngayong 2022, kailangang lumago ang ekonomiya natin nang 10.58% sa dalawang huling magkasunod na quarter ng 2022.

Malamang suntok iyon sa buwan. Lumipas na ang pagbuhos ng gastos dahil sa eleksiyon, at hinihila rin tayong pababa ngayon ng global economic crisis.

Pero isa pang dahilan kung bakit hindi tayo makababalik sa lumang trajectory ng ekonomiya ay dahil sa mga target na growth ng administrasyong Marcos – na ipinagmalaki rin niya sa kanyang unang State of the Nation Address o SONA.

Para sa 2022, inaasam ng Marcos administration ang GDP growth na 6.5% hanggang 7.5%. Para sa 2023-2028, 6.5% hanggang 8%. Ani Secretary Diokno, sa lagay na iyon, “mas ambisyoso” ang gobyernong ito.

Pero teka. Assuming na makamit ang 7.5% at 8%, makikita sa Figure 3 ang itsura ng trends. Hindi makababalik sa tamang landas ang ekonomiya natin sa loob ng panunungkulan ni Marcos Jr. Malamang mangyayari pa iyon sa 2034, o sa dulo ng termino ng pangulong susunod kay Marcos Jr.

Figure 3.

Oo, lalago ang ekonomiya sa panahon ni Marcos Jr. Pero kahit matupad ang pinaka-optimistic na targets ng kanyang economic managers, ubod nang tagal na panahon ang lilipas bago makabalik ang ekonomiya sa landas na tinahak nito bago ang pandemya.

Gamit ang batayang ito, hindi tuluyang makare-recover ang ekonomiya sa panahon ni Marcos Jr. Isang milagro ang kailangan.

‘Disappointing’ growth

Isa ring dahilan sa pagbagal ng ekonomiya natin ngayong taon ay ang patuloy na pag-arangkada ng mga presyo ng basic commodities sa Pilipinas.

Noong Hulyo, umabot na sa 6.4% ang inflation rate, mas mataas sa 6.1% noong Hunyo. Ibig sabihin lang nito, pabilis nang pabilis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Kung hindi ito maaawat, maraming hindi gaganahang gumastos muna sa ngayon, at sa halip ay magtitipid na lang. Nakikita na natin ito sa datos. Mula sa unang quarter ng 2022, bumaba nang 2.7% ang paggastos ng mga pribadong households.

Samantala, pagdating naman sa mga sektor, bumabagal din ang produksiyon lalo na sa services na bumubuo sa lagpas kalahati ng ating ekonomiya. (BASAHIN: Hindi na agricultural country ang Pilipinas. Narito ang datos.)

Ayon sa ilang analysts, maaari sanang mas mabilis sa 7.4% ang paglago ng ekonomiya natin noong 2nd quarter kung hindi naging matindi ang tama ng inflation sa atin.

Dahil sa “disappointing” na pagtumal ng ekonomiya, may posibilidad na rendahan muna ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang pagtataas nito ng interest rates, na maaaring magpabagal lalo sa ating ekonomiya kung masosobrahan.

Sa kabutihang palad, nakikita natin abroad na may mga senyales na baka bumagal na ang global inflation. Sa katunayan, bumababa na nga ang presyo ng langis, pati ang wheat o trigo (dahil nakakalabas na ang shipments galing sa Ukraine na sangkot sa giyera ngayon). Sa US, ipinagmalaki ni President Joe Biden na “zero” ang inflation nila noong Hulyo – pero tumutukoy iyon sa “month-on-month” inflation (hindi “year-on-year”).

Pero napakarami pa ring uncertainties.

For all we know, baka umarangkada na naman ang mga presyo ng bilihin sa susunod na buwan kung, halimbawa, lumala ang pananakop ng Russia sa Ukraine, o mag-surge ulit ang demand para sa petrolyo lalo na’t paparating na ang winter sa maraming bansa. Mararamdaman natin iyon, one way or another.

Isang bagay ang sigurado: malayo pa ang tatahakin ng ekonomiya ng Pilipinas tungo sa “full recovery.” – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.