social media

[OPINYON] Takoyaki tattoo at ang business model ng pang-iinis

Joselito D. De Los Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Takoyaki tattoo at ang business model ng pang-iinis
Ano ang gagawin sa mga katulad ng takoyaki seller? Kung may nilalabag sa community standard, i-report. Kung walang aksiyon ang platform, scroll-up o block. Huwag bigyan ng atensiyon.

Hindi naman talaga pang-iinis lang. Kailangan iyong pang-iinis na kontrobersiyal, magiging popular, magiging trending, pag-uusapan, pagkakaguluhan.

Madaling masukat ang paglaganap ng pang-iinis na ito. Ilang libo ba ang nag-share? Mataas ba ang engagement? Mahaba na ba ang thread? Karamihan ba ay may opinyon at pakialam na? Higit sa lahat, na-pickup na ba ng tradisyonal na media?

Konteksto? Dahil umano sa isang April Fool’s Day prank. Hinamon ng isang tindahan ng takoyaki ang kanilang followers na magpa-tattoo sa noo ng kanilang company logo. Unahang magpa-tattoo sa noo. Umaatikabong P100,000 ang premyo. May pumatol. Hiningi ang premyo. Tumanggi ang may-ari ng tindahan ng takoyaki dahil joke lang daw iyon. Dinumog ang status. Humaba. Kumalat. Pinag-usapan.

Ang pobreng kunwaring nagpa-tattoo, inulan ng simpatya at suporta. Binigyan ng tulong. May nag-volunteer na buburahin ang masagwang marka. Dagdag na istorya: dahil daw sa anak na nangangailangan ang dahilan kaya kapit sa patalim o, sa lagay ng kuwento, kapit sa tattoo needle ang kunwaring biktima. At siyempre, dahil sa kahirapan. Sino bang may puso ang hindi mahahabag? At sino bang may puso ang hindi magagalit sa inasal ng may-ari ng tindahan ng takoyaki? Ang daming emotional investment sa kuwento.

Natangay ang marami sa kawalang damdamin ng may-ari. Bakit naman daw ba kasi sineryoso ang biruan? Sagot ng ilan, cultural ang dahilan ng April Fool’s Day. Tama naman. Hindi lahat ay may alam kung ano ang meron sa unang araw ng Abril, kung kailan nagsimula, kung ano ang mapapala natin dito, maliban pa sa pagpapalaganap ng walang taste at below-the-belt na biro. At saka paano kung talagang nangangailangan ang nagpa-tattoo sa noo? Mas masahol pa ba ito sa dating maprinsipyong abogadong naging payaso ng nagdaang gobyerno?

Sa lakas ng panawagan sa traditional at social media, napilitang ibigay ang premyong P100,000. Kumpleto sa seremonyas at coverage.

Pero dahil walang maililingid sa social media, natuklasang magkakilala pala ang biktima at ang wais na entrepreneur, na kalaunan, malalaman nating content creator na naghahabol lang para maging sikat na personalidad sa internet, o sa termino ng mga Gen Z, isang clout-chaser. 

Gawa-gawa lang ang lahat. Scripted. Paniwalang-paniwala ang marami sa atin. Mahirap pagdudahan noong unang mabalita ang istorya. Sa lente ng malikhaing pagsulat, maganda ang pagkakabuo ng plot. Maayos ang timing at setting. Buo ang mga tauhan: isang kulang sa pansin na entrepreneur (na malalaman nga nating isang cunning content creator), isang biktima na maraming umaasa. At tayo na nakatambay sa platform na kinagigiliwan ng lahat. Dito lumunsad ang kuwneto. Dito naglundo. At sana ay nagwakas.

Ang dali nating magpadala sa kuwento. Maaari nga namang biktima talaga. Maaaring gipit na gipit. Maging ang tattoo sa noo, na halatang daskol ang pagkakagawa, minadali lang talaga para mahabol ang sandaang libong premyo.

Tamang-tama lang din ang halaga ng premyo. Hindi milyon na napakadaling pagdudahan. O barya-baryang madaling ipamigay. Sandaang libong piso lang, abot-kaya ng isang content creator na may daan libong followers. Kailangan pang udyukan ang content creator para magbayad. I-cancel ng Gen Z kahit hindi pa sumisikat. Akala natin, tagumpay ng sambayanan ang pagbabayad ng P100,000. Pero ang totoo, bahagi lang ito ng kuwento, bahagi lang tayo ng kuwento!

Dahil hindi mo naman kailangan ng komplikadong production sa mga palabas sa social media, madali nang makapagtatahi ng kuwento. Hindi kailangang professionally done ang optics at caption. Hindi kailangang mag-outsource ng advertising agency. Maaari talagang ma-promote o, gaya ng sa takoyaki brand ng entrepreneur na nagpasimula ng April Fool’s Day’s fools’ day joke (oo, hindi ito typo error, sinadya ko itong April Fool’s Day’s fools’ day joke), magkaroon ng following at traction ang page, na maaaring mangahulugan ng pagtangkilik sa produkto. Kahit pa, sa totoo lang, nakakainis ang kaniyang ginawa. Ang pagsamantalahan ang ating awa.

May industriya para sa mga tao na kinaiinisan sa social media. Nagkakaroon sila ng trabaho bilang content creator at kumikita sa mataas na engagement. Walang pagtatangi sa engagement na ito. Walang pagkakategorya kung may kabuluhan o wala ang engagement, walang pagkakategorya kung pinupuri o kinamumuhian. Basta nag-share ka o nag-comment, plus one na sa engagement.

Hangga’t nasi-circumvent ang community standards ng kahit anong kompanya ng social media, aalagwa ang content. Aangat sa newsfeed dahil sa paulit-ulit nating pag-comment at pag-share.

Kapag mataas ang metrics sa social media, maraming uubrang pagkakitaan: patalastas, donasyon, endorsement, o product placement.

May iba pang industriya ang mga kinaiinisan nating personalidad. Puwede silang maging endorser ng kinaiinisan nating politiko. Marami nang gumawa nito. Ang isa pa ngang social media content creator na malakas mang-asar, gumawa pa ng ilang pelikula. 

Laging uso ang eleksiyon. Natuklasan ng mga kandidato na mas mura at epektibo ang mangampanya sa mas malawak na ngayong social media. Kumuha ng mag-eendosong personalidad. Iyong maangas kahit walang integridad (hindi naman talaga isyu sa kandidato ang integridad, tingnan lamang ang profile ng mga nanalo noong nagdaang halalan). Iyong handang kasangkapanin ang popularidad para magpalaganap ng inis at pagkamuhi.

Laging magduda sa intensiyon ng kahit sinong personalidad, lalo ngayong panahong kay daling umakda ng kuwentong kahabag-habag kung hindi man nakakainis.

So, ano na ngayon ang gagawin sa mga page at content na nag-i-incite ng inis? Kung may nilalabag sa community standard, i-report. Pero tandaan sanang nakabatay sa nuances ng kultura ang inis, lalo’t nasusulat sa wika at sociolect ng isang lokalidad ang content. Kung hindi rin lang tahasang lumalabag sa community standard, walang puwang sa mga napikon at na-offend ang kompanya ng social media. Kung walang aksiyon ang social media sa reklamo mo, scroll-up o block. Huwag bigyan ng atensiyon.

Atensiyon ang bubuhay sa mga content creators na nagpapanggap na nagtitinda ng produkto o nag-aalok ng serbisyo. Hindi ang pagtitinda o pag-aalok ng serbisyo ang core business ng mga kauri ng takoyaki seller. Kailangan nila ng social media engagement natin. Ang masama, may ideya naman tayo na ganoon ang ginagawa nila, pero pinapasikat pa rin natin sila nang todo hindi man tayo magpa-tattoo sa noo. – Rappler.com

Associate professor ng seminar in new media, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Research associate din siya sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!