2022 PH presidential race

[ANALYSIS] Gusto mo ba na tax evader at ‘certified convict’ ang maupo sa Malacañang?

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Gusto mo ba na tax evader at ‘certified convict’ ang maupo sa Malacañang?
Utang na loob. Para sa kapakanan ng bansang ito, huwag na nating pabalikin ang mga Marcos sa Malacañang. Never again.

Marami pa ring naniniwala na magpapamudmod daw ng pera ang mga Marcos kung makabalik sila sa Malacañang.

May sabi-sabi sa social media ngayon na dapat manalo si Marcos Jr. dahil isasakatuparan niya ang bilin ng amang ibalik sa taumbayan ang “treasures” ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng isang “foundation.”

Pero in fact, matagal nang may ganitong fake news. 

Halimbawa, noong tumakbo sa pagkapangulo si Imelda sa pangalawang pagkakataon noong 1998, sinabi niyang may lagpas $800 milyon ang kanilang pamilya na nakatago sa foreign banks at ipamimigay sa mahihirap kung manalo siya. (Umatras si Imelda sa pagkapangulo noon.)

Modus operandi na nilang paasahin ang mga botante gamit ang kanilang salapi. Pero ang hindi nila sinasabi, mahigit P329 bilyon pa ang utang nila sa gobyerno na never nilang gustong ibalik. 

Unang-una, may hinahabol pa ang gobyerno ng Pilipinas – sa pamamagitan ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) – na P125.9 bilyong nakaw na yaman ng mga Marcos. So far, P174.2 bilyon na ang nabawi nila mula 1986 hanggang 2021.

Kung may 21.8 milyong pamilya sa Pilipinas noong 2021, ang hati ng pamilya mo sa binabawing P125.9 bilyon ay mahigit P5,700. Lalaki pa iyon kung may ibang nakaw na yaman na madiskubre ang gobyerno. 

Ang problema, ayon kay former Supreme Court senior associate justice Antonio Carpio, baka buwagin ni Marcos Jr. ang PCGG kung siya’y maging presidente, para ’di na habulin ang kanilang nakaw na yaman. 

Estate tax

Ikalawa, may mahigit P203 bilyong utang din ang pamilyang Marcos dahil sa estate tax ng yumaong diktador.

Kapag mamatay ang isang tao, may tinatawag na estate tax na kailangang ibayad sa gobyerno (base sa ari-arian ng namatay) bago mailipat ang mga lupain at ibang ari-arian sa mga tagapagmana at ibang beneficiaries, at paghati-hatian iyon.

Mula noong namatay si Ferdinand Marcos noong Setyembre 28, 1989 sa Honolulu, Hawaii, kung saan sila’y umeskapo matapos ang People Power Revolution, hindi pa nagbabayad ng estate tax ang mga Marcos.

Magkano ang estate tax na ito? Ayon sa Bureau of Internal Revenue (BIR) noong 1991, nagkakahalaga iyon ng P23.293 bilyon. Noon pa lang, malaki-laki na.

Noong 1992 at 1993, pinadalhan na ng BIR ang mga Marcos ng samut-saring abiso hinggil sa estate tax na kailangan nilang bayaran. Ngunit dinedma lang nila. 

Saka pa lang sila gumalaw noong 1993 matapos ipa-auction ng BIR ang ilang lupain ni Marcos sa Tacloban City, upang mabayaran na ang estate tax. Walang bidder, kaya na-forfeit o napunta sa gobyerno ang mga lupaing iyon.

Nagprotesta si Marcos Jr., ngunit sinabi ng Court of Appeals noong 1994 na “final and unappealable” na ang pagtuos sa estate tax na dapat nilang bayaran. Kinatigan ito ng Supreme Court noong 1997. 

Fast-forward to 2021, ’di pa rin binabayaran ng mga Marcos ang estate tax. Dahil sa deka-dekadang ’di pagbabayad nito, nagpatong-patong na ang interes at penalties at lumobo na ang estate tax liability ng mga Marcos sa tumataginting na P203.819 bilyon.

Kung pagsasamahin ang P125.9 bilyong nakaw na yaman at P203.819 bilyong estate tax liability na hindi nila binabayaran, ang utang ng mga Marcos sa taumbayan ay ’di bababa sa P329.719 bilyon.

Gaano kalaki iyon? Mahirap i-imagine ang P1 bilyon, lalo na ang P329.719 bilyon. Pero ngayong 2022, iyon ay katumbas ng 6.8 times ng budget para sa booster shots, 3 times ng budget para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program, at 42% ng budget ng Department of Public Works and Highways.

Imagine kung ilang bakuna ang mabibili, ilang pamilya ang maaayudahan, at ilang kalsada at tulay ang maaaring maipagawa gamit ang perang ayaw ibalik ng mga Marcos sa taumbayan.

Pero kung maging presidente si Marcos Jr., say goodbye na sa P329.719 bilyong ito. Asa pang ibabalik o babayaran ng mga Marcos ang halagang iyon sa mga Pilipino.

‘Certified convict’

Bukod sa estate tax, noong 1995 ay na-convict din si Marcos Jr. ng isang korte sa Quezon City dahil sa hindi niya pag-file ng Income Tax Returns (ITRs) mula 1982 hanggang 1985 noong gobernador siya ng Ilocos Norte. 

Kinatigan ito ng Court of Appeals noong 1997, pero imbes na hatulan siya ng pagkakabilanggo ay ginawang fine na lang ang parusa.

Pero hanggang ngayon – tulad ng estate tax – ay walang pruweba na na nagbayad na si Marcos Jr. ng buwis at fines (na may interes at surcharge) bilang parusa sa kanya. Isa ito sa mga isyung ipinupukol laban sa kanyang kandidatura sa pagkapangulo ngayong 2022: dahil sa kanyang ’di pagbabayad, disqualified daw siya sa pagtakbo.

Ayon kasi sa batas, sinumang mahatulang guilty sa krimen sa ating Tax Code ay dapat “perpetually disqualified from holding any public office, to vote and to participate in any election.” At ayon din sa Omnibus Election Code, sinumang nahatulang gumawa ng “crime involving moral turpitude” ay disqualified nang tumakbo sa halalan at maupo sa kahit anong puwesto sa gobyerno. 

Okay sana kung nagbayad na si Marcos Jr. ng buwis at penalties, at ayon sa kampo niya’y nagbayad na siya sa BIR noong 2001. Ngunit ayon kay Justice Carpio, dapat sa korte siya nagbayad.

Sa madaling sabi, ayon kay Justice Carpio, si Marcos Jr. ay isang “certified convict,” at kung tutuusin ay dapat disqualified noong tumakbo siya bilang congressman at senador. 

Wala na tayong magagawa sa pagkaupo ni Marcos Jr. sa mga naturang puwesto noon. Pero gusto ba nating “certified convict” at tax evader ang susunod na maupo sa Malacañang?

By the way, mayroon din palang tinatakbuhan si Marcos Jr. na multang $353 milyon sa US dahil sa kasong isinampa ng Martial Law victims doon. Ito ang dahilan kung bakit hirap makapunta sa US ang mga Marcos.

Never again

Isa rin sa malaking pagkakautang ng mga Marcos ay ang kanilang di pag-amin sa taumbayan hinggil sa mga karumal-dumal na pangyayari noong diktadurya. 

Hanggang ngayon, mariin nilang itinatanggi ang mga pang-aabuso, pagpatay, at malawakang pangungurakot noong Batas Militar. Ang mas malala, pinapalaganap nila ngayon ang samut-saring kasinungalingan, tulad ng ideya na “golden age” daw ng ekonomiya ng Pilipinas ang Batas Militar. (BASAHIN: Hindi ‘golden age’ ng ekonomiya ang Batas Militar)

Nagmamaang-maangan din sila sa mga myth hinggil sa kanilang gold reserves. 

Kamakailan, tinanong ng Rappler ang spokesperson ni Marcos Jr. na si Vic Rodriguez hinggil sa Tallano gold. Ang nasabi ni Rodriguez ay, “I don’t know.” Wala raw kasi siyang social media account, kaya hindi nasusubaybayan ang memes and myths. Weh? 

Noong 2018 naman, tinanong si Imee Marcos hinggil sa Yamashita at Tallano gold. Ang sabi ni Imee, “Ano yun?” (What’s that?)

Bakit ayaw nilang i-deny categorically na mayroon silang Yamashita at Tallano gold? Marahil dahil inililihis ng myths na iyon ang atensiyon ng publiko mula sa katotohanang mayaman ang mga Marcos dahil sa bilyon-bilyong ninakaw nila mula sa taumbayan.

Ayon nga sa kasabihan, “Kapatid ng sinungaling ang magnanakaw.” 

Utang na loob. Para sa kapakanan ng bansang ito, huwag na nating pabalikin ang mga Marcos sa Malacañang. Never again. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.