Philippine politics

[EDITORIAL] Manigong Bagong Taon? Puwede na ang ‘masayang’ bagong taon

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Manigong Bagong Taon? Puwede na ang ‘masayang’ bagong taon

Nico Villarete

Bilangin natin ang mga biyaya, pero mas lalo nating bilangin at bantayan ang ating mga kalayaan

Tila mahirap alalahanin ang mga “good news” nitong 2023 sa harap ng nakalululang “bad news” ng nakaraang taon: headlining 2023 ay ang mga giyera sa Ukraine at Gaza. Ngayon, ang usapin ay nakatutok na sa pagpigil sa pagkalat ng giyera sa Middle East, habang ang mga taga-Ukraine ay naghihinagpis na nawala na sa kanila ang atensiyon ng mundo.

Maraming prediksiyon na nakanginginig, kasama na ang isang “super El Niño” na huwag naman po sana magdala ng sakuna at gutom. Pero ang pinakanagpapakaba sa maraming nagmamahal sa kalayaan ay ang patuloy na pag-urong ng demokrasya sa buong mundo – at susi diyan ang hindi bababa sa 50 – opo, five-zero – na eleksiyong magaganap sa 2024, kasama na ang Estado Unidos, Indonesia, at Taiwan.

Ano man ang kalalabasan ng mga eleksiyong ito, apektado ang Pilipinas. 

Kapag hindi nanalo ang incumbent US President na si Joe Biden na ngayo’y 81 years old na – siyempre mag-a-adjust din ng approach ang Pilipinas. Tulad nang nakita sa panahon pa ni US President Ronald Reagan – kahit si Donald Trump pa (na nangununa sa Republican nomination race) ang makasungkit ng korona – kaibigan din ng Republicans ang pamilyang Marcos. Paano ito makaaapekto sa West Philippine Sea issue? Hindi siguro kalakihan. Pero paano nito babaguhin ang asta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa usapin ng human rights, peace process, at demokrasya? ‘Yan ang problema sa pagbasa sa isang transactional politician.

Pero kapag kumandidato at nanalo si Trump, malinaw na setback ito para sa mga lumalaban sa doomsday na epekto ng climate change. Maaga pa lang sa kanyang ambisyon 2024, sinabi na niyang hindi niya tutuparin ang mga pangako ng Biden administration sa COP28.

Sa Taiwan naman, ibang usapin kapag manalo ang kandidatong pabor sa mas malapit na relasyon sa Tsina. Habang huhupa ang tensiyon sa pagitan ng superpower at inaangkin nitong isla, lalakas ang kapit ng Tsina sa buong rehiyon kapag nag-deescalate ang situwasyon sa pagitan ng Tsina at Taiwan. Magmimistula bang Hong Kong ang Taiwan kapag nakontrol ng Tsina ang pulitika sa isla? Hindi malayo. At lalong magiging mahalaga ang papel ng Pilipinas sa dati nitong colonial master na Estados Unidos sa Pacific.

Sa Indonesia, binabantayan ang magiging successor ni Joko “Jokowi” Widodo, na impluwensiyal na boses sa rehiyon sa panahon ng kanyang termino. Mahalaga ang kooperasyon sa pagitan ng Indonesia at Pilipinas sa pagsusulong ng mga hakbang na sasalag sa agresyon ng Tsina sa South China Sea.

Taon ng ChatGPT ang 2023, at kung nagulantang ang mga tao sa generative AI, prediksyon ng ilang mga news sites na ang 2024 ang taon na magme-mental shift ang mga tao, gobyerno, at pangangalakal upang samantalahin ang bentahe ng nakagigimbal na teknolohiya.

Walang umaasang magbabago ang palubog nang X sa kumunoy na kinasadlakan nito dahil sa may-ari nitong si Elon Musk. Pero habang walang alternatibong sisikat, magpapatuloy ang disinformation at kawalan ng makabuluhang talakayan sa social media.

Dumako naman tayo sa lokal na pulitika. Pinakatampok ang pag-ikot ng gulong ng palad ng mga Duterte.

Saksi tayo sa tumitinding iringan sa pagitan ng kampo ng mga Marcos (pangunahin na ang pinsan ng Pangulo na si House Speaker Martin Romualdez) at ang kampo ng mga Duterte. Fearless forecast: lalo lamang iigting ang war of political dominance sa pagitan ng mga Marcos at Duterte sa harap ng papalapit na eleksiyon. (BASAHIN: The tide turns: Key moments in Philippine politics in 2023)

Kakabit na isyu ang pagpasok ng International Criminal Court sa eksena – nitong 2023, nakita natin ang mga alyado ni Speaker Romualdez na nagtutulak ng pakikipag-cooperate ng Kamara sa ICC kaugnay ng drug war ni Duterte at Davao Death Squad. Sabi pa ni Marcos, pinag-aaralan na ang pagbabalik ng Pilipinas bilang miyembro ng ICC (nag-hyperventilate ka ba, Digong?). Tila natuwa pa ang liderato ng Kamara nang magsampa ang Minority ng kaso laban sa nakatatandang Duterte. (Hindi namin matandaan ang huling pagkakataong pinuri o dinepensahan ng isang speaker ang Makabayan bloc.) Andiyan din ang pag-iimbestiga ng Lower House sa Sonshine Media Network (SMNI) na pag-aari ng kumpare ni Rodrigo Duterte na si Apollo Quiboloy. Ang dating nasa ibabaw, ngayo’y tila nasa ilalim.

Kamusta naman ang ekonomiya ng Pilipinas sa 2024? Bumaba ang kahirapan sa Pilipinas sa 22.4% mula sa 23.7% noong nakaraang dalawang taon. Kung ganito kabagal ang pag-translate ng pag-unlad o ‘yung tinatawag na trickle-down, aba’y hindi natin mararamadaman ‘yan sa 2024. Same-same lang. (Basahin dito kung gaano kabagal ang poverty alleviation sa bansa.)

Kaya, we’re not holding our breath na matutupad ang mga pangako ni Pangulong Marcos noong una niyang SONA. Magsi-single digit daw ang poverty rate pagdating ng 2028? Do the math. Isama na riyan ang P20/kilo na bigas – isa pa rin ‘yang panaginip.

Ngayong nagta-transition tayo mula sa 2023 patungong 2024, mailap ang optimism. Dalawang malupit na giyera ang nagpatulala sa atin nitong nakaraang taon – ang isang giyera ay kumitil ng tinatantiyang higit 23,000 na buhay (kasama ang Israeli death count noong Nobyembre 7) sa loob ng tatlong buwan. Nangangapa pa rin ang karamihan paano pangangalagaan ang katinuan at katotohanan sa harap ng AI at disinformation. Mabagal na mabagal ang pag-ahon sa kahirapan ng mga Pilipino. Paliit nang paliit ang kumot ng demokrasya. May learning poverty pa. Sa Western Visayas, nagbabantang magpatuloy ang power crisis.

May tradisyonal na bati kapag bagong taon: “Manigong Bagong Taon.” Pero bihira na nating marinig ito. Sa halip na umasam ng kasaganahan, mas maraming bumabati ng “Happy New Year.” Tila mas madaling maging masaya kaysa maging masagana ngayon. 

Pero sa kabila niyan, may mga blessing pa rin na puwedeng bilangin. Nakalaya na si Leila de Lima nitong 2024. May peace talks na muling binubuksan. May kriminal na kaso nang naisampa laban sa palamura at misogynist na dating pangulo. At hindi natuloy ang confidential funds ng anak ng mismong dating pangulo na talaga namang walang karapatang makakuha nito. Nakakapagbiyahe nang muli ang mga tao at naibsan na ang claustrophobia ng pandemic years. Pinag-uusapan na sa isang top United Nations court ang isyu kung genocide ba ang ginagawa ng Israel.

Kaya’t bilangin natin ang mga biyaya, pero mas lalo nating bilangin at bantayan ang ating mga kalayaan: ang kalayaang umibig regardless of gender; ang kalayaang tumuligsa at magsalita; ang kalayaang mamahayag. Tandaan natin na pundasyon ng mga kalayaang iyan ang isang malusog na demokrasya. Happy New Year! – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI
Download the Rappler App!