2022 Philippine Elections

[FIRST PERSON] Isa ako sa 220,000

Maria Kristelle Jimenez
[FIRST PERSON] Isa ako sa 220,000
'Saksi ako, bilang isa sa mahigit dalawang daang libong botante, sa puwersa na posibleng malikha kung mas pipiliin natin na tumindig'

Abril 8. Napagdesisyunan kong magpaiwan, kahit na mas mainam na sumabay na sa aking mga kasama sa kolektibo. Bagaman may mahigit isandaang kopya na ng zines at mahigit isanlibo naman ng stickers, minabuti ko ang maghabol pa ng ilan pang kopya. 

Pakiramdam ko ay kukulangin ang mga ito para sa gagawin naming paglalatag noong Sabado, na kahit wala namang panunukat-paninimbang sa iba ay higit na namayani ang puwersa ng sigasig at determinasyon. May ilang oras pa naman, sa wari ko, habang hinihintay ang idaragdag pang kopya para sa Sabado. 

Abril 9. Pumatak ang alas-kuwatro ng hapon, at nagawa kong kumalap pa ng karagdagan na isandaang kopya ng zines mula sa nauna. Matapos naming habulin ang pagtutupi, pag-stapler, at pag-iimpake ng mga zine at sticker ay matiwasay naming tinapos ang madaling araw. 

Dalawandaang zines: napakalaking bilang na nito para sa isang payak na indie publisher at isang youth organization na masuwerte na ang tatlo hanggang lima na benta sa kada lagak. 

Abril 10. Nakumpirma namin ang bilang ng dumalo sa ginanap na Manalakáran: mahigit dalawandaang libong katao. Ibinahagi ang opisyal na estimasyon na ito ilang oras matapos ang isinagawang rally, at doon lamang namin napagtanto ang lahat.

Komunidad at panitikan sa gitna ng opresyon

Sinalubong ako ng libo-libong mga tao na patungo rin sa entrance ng mall. Mula sa malayo, animo’y mga bubot na rosas sila na tinatangay sa iisang direksyon. Alas dos pasado ako nang makarating sa venue, isang oras bago ang opisyal na programa ay punong-puno na ang mall.

Nakatutuwa lalo na sa ilang stalls at food courts na punung-puno ng mga mamimili — na sana’y pambawi sa ilang taon na ring pagkakalubog ng Pilipinas sa state of calamity. Kapansin-pansin din ang matinding preparasyon ng lokal na pamahalaan ng San Fernando, kasabay ng kaniyang pormal na pagdeklara ng kaniyang suporta sa partido ni Robredo — ang pinakaunang bokal na deklarasyon ng isang munisipalidad sa isang kumakandidatong partido. 

Maliban sa pagtanghal bilang isa sa pinakamaraming attendees sa naganap na political rally, maituturing din ang Pampanga bilang isa sa may pinakamaraming community giveaways katulad ng tinapay, sisig, palamig, kakanin, kolorete, ilang stickers, at maging mga babasahin. Hindi pa kabilang rito ang inihandang malalaking parul, guryon, helicopter na nagsasaboy ng confetti, at ang napakagandang arko na tila mula sa isang mamahaling reception ng kasal.

Isa kami sa namahagi ng mga libreng babasahin (kilala rin bilang zines) at stickers sa naganap na rally. Hindi man kami mula sa kilalang palimbagan, o mga sikat na personalidad sa social media, itinuloy pa rin naming ito. Kahit may kaba pa rin sa aming dibdib lalo na’t kamakailan lamang ay nakararanas ng panre-redtag ng ilang bookstores na nagbabahagi ng mga tinaguriang “supersibong” babasahin. 

Must Read

LOOK: Popular Bookstore defaced with ‘NPA Terorista’ graffiti

LOOK: Popular Bookstore defaced with ‘NPA Terorista’ graffiti

Lagi’t-lagi, dapat na pumosisyon ang panitikan bilang panangga ng mga aba’t mga api (sa nosyon ni Pascale Casanova). Sa panahon na laganap ang technofascism sa imahen ng mga troll, fake news peddler, biased media, at alternate knowledge source katulad ng TikTok, Twitter threads, at ilang YouTube channels, higit na kailangang makibahagi ng mga manunulat kontra opresyon. 

Nagiging behikulo ang alternatibo’t malaya na paglalathala sa mas mabilis na dissemination o pagbabahagi ng impormasyon. At sa konsepto ng knowledge-sharing, mas napapadali nito ang pagre-reinforce sa taumbayan upang makabuo ng kritikal na bilang ng mga radikal na bangwa na handang tumuligsa’t tumindig sa mga ilusyon na dulot ng ilan pang salinlahi ng political dynasty na nagkukunwang imahen ng pagkakaisa. 

Must Read

220,000 Kapampangans put on grand show for Leni-Kiko

220,000 Kapampangans put on grand show for Leni-Kiko
Paninindigan bilang tugon sa ilusyon ng ‘solidarity landslide’ 

Manalakáran. Isang salitang Kapampangan na nangangahulugan na “manindigan.” Sa ilang dekada na pagtakda sa Hilagang Luzon at Gitnang Luzon bilang bahagi ng “Solid North,” isang imahen ng masidhing paninindigan ang pagtindig sa isang kandidatong hindi representante ng kanilang rehiyon. 

Sa kasalukuyan, tinagurian ang ginanap na Robredo-Pangilinan People’s Rally sa Pampanga bilang pinakamalaking pagtitipon sa kasaysayan ng isinasagawang kampanya ng partido ng mga “Kakampink” mula Marso. Isang malaking sampal ito sa pahayag ni dating pangulong Gloria Arroyo sa diumano’y “landslide” ng partidong Marcos-Duterte sa nasabing probinsya. 

Ngunit, ang mga naganap na campaign rallies sa Isabela, Cagayan, Nueva Ecija, Tarlac, Pangasinan, Pampanga, at Aurora ay nagpapakita lamang ng tuluyang pagkabasag ng ilusyon sa konsepto ng solidarity vote. Matagal nang kinakasangkapan ng mga politiko ang kanilang etnolinggwistikong kapital upang makalakap ng malaking porsiyento ng botante. 

Matagal na ring nalilinlang ang mga botante sa pangarap ng representasyon ng kanilang rehiyon — nabubuo ang mga ilusyon na mas higit na prioritization sa kanilang sektor. At sa mga rehiyon na kabilang sa tinaguriang “Solid North,” kung saan mayroong humigit-kumulang na 12 milyong botante, ang agresibong paglalantad ng pisikal na suporta ay patunay lamang na mahalaga ang manindigan laban sa mga buktot na persepsyon ng pagkakaisa. 

Dagdag pa rito, noon pa man ay mayroon nang kritikal na bilang ng mga tumutuligsa sa inililikhang emperyo ng pamilyang Marcos sa Norte (katulad ng paglikha ng mga Duterte sa Mindanao ng kanila ring emperyo). Ngunit dala na rin ng epektibong pagkalap ng mga botanteng bumubuo sa “solidarity landslide” (na siya na ring nadala sa iba pang lupalop ng Pilipinas), naging mahirap sa ilan ang pagtuligsa sa kanilang makinarya. 

Nagbago ang lahat nang iyon matapos sumapit ang buwan ng eleksyon. Dalawang taon nang nalulubog ang Pilipinas sa hindi mabisang tugon sa pandemya’t COVID, sa mga sakuna, sa sanghay ng edukasyon, sa mga manggagawa, sa mga pamilya’t mga nasa laylayan. Pansamantala mang naging epektibo ang pagbabahagi ng misimpormasyon — katotohanan pa rin ang patuloy na mananaig. 

Saksi ako, bilang isa sa mahigit dalawang daang libong botante, sa puwersa na posibleng malikha kung mas pipiliin natin na tumindig. Ito man ay patuloy na yurakan, gawan ng samu’t-saring kuwentong barbero, o kutyain, mananatili ang paniniwala ko sa mga kasama ko noong ika-siyam na Abril, at ang paniniwala ko na mayroon pa ring mga kumakandidato na hindi para sa sariling kapakanan, kundi para rin sa bayan. 

Must Read

Kiko’s moment: Shunned by politicians, Pangilinan’s hands raised by Pampanga farmers

Kiko’s moment: Shunned by politicians, Pangilinan’s hands raised by Pampanga farmers
Hindi imposible ang daang-libong pagtindig

Ilang araw lamang matapos ang makasaysayang rally, bumuo kaagad ng ispekulasyon ang ilang naroon, partikular sa mata ng kabilang panig. Pasuwal daw ang pagbilang sa naganap sa Pampanga, at imposible ang ganoong uri ng pagpupulong. 

Oo nga naman, paano nga ba umabot sa daang libo ang pisikal na dumalo’t nakiisa sa ginanap na Manalakáran? Ngunit sa punto de bista ng isa sa 220,000+ na dumalo; na isa rin sa nagbahagi ng oras at panahon sa pagbabahagi ng libreng babasahin; na isa rin sa tumayo; nagtiis sa uhaw, gutom, at pagod; na sabik na makita ang pinili naming maging susunod na presidente ng bansa — hindi imposible ang aming bilang. 

Nagkaroon man ng matagal na pisikal na distansya dulot ng pandemya’t ilang restriksyon, pinaglalapit ng ganitong mga kaganapan ang bawat isa. Dito mo mararamdaman na hindi ka nag-iisa, na may katuwang ka sa pag-asam sa mas mabuting kondisyon ng Pilipinas, na kahit iniluluha na’t ilang ulit na ring sinusukuan, ang mga pagkakataon na ito ang humuhila’t nanunumbalik para muling maniwala. 

Gusto kong maaalala ang mga san statement daling iyon sa ilang imahen. Isang bukal na pamamanata, isang matinding paninidigan, at isang makabuluhang tugon. Isang pagkakataon na sana’y hindi masayang at hindi pakawalan — isang mailap na tiyansa para sa pag-udlot ng panghihimasok ng isa na namang rehimen ng mga diktador. 

Habang ako ay nabubuhay, ako ay ang isa lamang sa pisikal na saksi ng kaganapan sa pagpupulong sa Pampanga. At habang may mga manunulat, mamamahayag, artista, at kultural na manggagawa na magsasabuhay at magsasalin ng kasaysayan na ito, mananatili itong buhay. Ang kuwento ng aming pagkakaisa ay mananatiling buhay. – Rappler.com

Nagtatrabaho bilang freelance writer, layout artist, at website specialist sa Pampanga si Maria Kristelle C. Jimenez. Ang ilan sa kaniyang mga akda ay nailathala sa Assortedge, Philippines Graphic, Revolt Magazine PH, The Loch Raven Review, maging sa Vox Populi PH. Sa ngayon, siya ang kumakatawang founder-owner ng Rebo Press Book Publishing, Associate Editor sa Filipino ng Revolt Magazine PH, at Publishing Director ng Vox Populi PH. Si Marya rin ay isa sa mga nag-organiza ng MARKA, isang kolaborasyon na naglalayong magbahagi ng mga babasahin sa anyong pisikal at digital laban sa misimpormasyon, at ilang gabay sa tamang pagboto.