SONA 2022

[ANALYSIS] Hindi ‘sound’ ang state of the nation

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Hindi ‘sound’ ang state of the nation
Boring man pakinggan ang SONA, at least may resibo na tayo na puwedeng gamitin para masabi sa mga susunod na taon kung naging epektibo ang mga programa at polisiya ng gobyerno

“The state of the nation is sound.” Ito ang kahuli-hulihang sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address noong Lunes, Hulyo 25.

Pero totoo ba ito?

’Pag sinabing “sound” ang isang bagay, ayon sa Merriam-Webster dictionary, ito’y “stable” o “secure” o walang depekto.

Mr. President, malayong-malayo ang Pilipinas sa pagiging sound.

Ano ang plano sa inflation?

Unang una, hirap na hirap na ang milyon-milyong Pilipino sa mataas na inflation o sobrang bilis ng pag-arangkada ng mga bilihin.

Napakakonti na ng nabibili natin sa grocery gamit ang ating budget, at napakamahal pa rin ng gasolina at diesel. Kulang-kulang ang supply ng mga bilihin. At lumiliit na rin ang pandesal at iba pang pagkain dahil sa tinatawag na “shrinkflation.”

Pero nakarinig ba tayo sa SONA ng mga kongkretong polisiya at plano ng gobyerno – tulad ng ayuda – upang labanan ang inflation? Wala.

Sa halip, nalunod tayo sa mga numero. Maraming bumilib. Ngunit marami sa mga numerong iyon ay mga hamak na target o assumption ng kanyang economic team (specifically, ng Development Budget Coordination Committee o DBCC).

Imbes na “state of the nation” ang narinig natin, ang namutawi sa bibig ni Marcos Jr. ay more like “what we hope the state of the nation will be in a couple of years.”

Bagamat napabalitang si BBM mismo ang sumulat ng kanyang sariling SONA, halatang-halata na isa o dalawa sa economic managers niya ang sumulat ng unang bahagi ng SONA.

At least, mas may ideya na tayo ngayon kung saang direksiyon gustong dalhin ng pangulo ang ekonomiya.

Speaking of direksiyon, gusto rin ng pangulo na maging “upper-middle income country” na ang Pilipinas sa 2024. Ngunit taon-taon, mula 2017, ay ipinangako na ito ng Duterte administration. Ano ang plano para makamit sa wakas ang pangarap na ito?

May bagong buwis ba o wala?

Nabanggit din ng Pangulo ang kagustuhang magpatupad ng “sound fiscal management.” Ibig sabihin, papaliitin niya ang kakulangan sa pondo ng gobyerno.

Kasama rito ang pagsasaayos ng “tax administration” o pangongolekta ng buwis. Aasa rin daw ang gobyerno sa mga batas na ipinasa sa Duterte administration, tulad ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Law.

Ngunit parang may mali: imbes na lumaki, ’di ba binawasan ng tax cuts ng CREATE ang koleksiyon ng buwis?

Magpapataw din daw ang gobyerno ng buwis sa digital service providers tulad ng Netflix at Spotify. Mula roon, makakokolekta raw ang gobyerno ng P11.7 bilyon sa 2023.

Pero alam ‘nyo ba kung paano madaling makalikom ang gobyerno ng mahigit P200 bilyong kita agad-agad? Kung magbayad lang sana ng utang na buwis ang pamilyang Marcos mula sa estate ng dating diktador na si Ferdinand E. Marcos. Sapat na sana iyon para sa ¾ ng mga kailangang buwis ng gobyerno para sa 2023.

Papadaliin din daw ng gobyerno ang pagbabayad ng buwis. Pero sa wakas ay magbabayad na ba ng buwis ang mga Marcos?

Hanggang ’di malinaw ang polisiya sa pangongolekta ng buwis, malayong makamit ang target na pababain ang tinatawag na debt-to-GDP ratio nang mas mababa sa 60% pagdating ng 2025.

Pagdating naman sa mga gastusin ng gobyerno, itutulak din daw ni Marcos Jr. ang “rightsizing” na layuning magbawas ng mga kawani ng gobyerno para makatipid para sa pasuweldo.

Pero paano gagawin iyon kung marami ring mga ipinapanukalang bagong ahensiya, tulad ng National Disease Prevention Management Authority, Virology Institute of the Philippines, at Department of Water Resources?

Copy-paste na mga polisiya

Naglista si Marcos Jr. ng 19 priority bills na dapat umanong ipasa ng Kongreso.

Pero napansin ‘nyo ba? Marami sa mga bills na ito ay carryover mula sa mga nakalipas na administrasyon.

Halimbawa, ’yung “National Government Rightsizing Program” at cash-based budgeting ay matagal nang itinutulak ni Finance Secretary Ben Diokno.

Samantala, ‘yung “Tax Package 3: Valuation Reform Bill,” “Tax Package 4: Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act,” “Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery” (GUIDE), at “National Land Use Act” ay pawang mga polisiyang itinulak ng economic team ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

Kumbaga, copy-paste mula sa nagdaang administrasyon. Mukhang “continuity president” nga talaga si Marcos Jr.

Kahit ’yung mga proyektong imprastraktura na binanggit ni Marcos Jr. – tulad ng MRT-7, Metro Manila Subway Project, LRT-1 Cavite Extension, at Mindanao Railway Project – ay mga proyektong ilang dekada na ang lumipas, at ipinagpapatuloy lamang ng gobyerno. (Diyos ko, bata pa lang ako naririnig ko na ’yung LRT-1 Cavite Extension.)

Sa ngayon, wala pang bagong infrastructure projects na inilatag si BBM. At bagama’t iniutos niya sa Department of Transportation (DOTr) ang “full speed ahead,” kailangan muna niyang ayusin ang underspending problem ng ahensiya, dahil malaking bahagi ng pondo nito ay ’di nagagastos man lang. (By the way, ang underspending ay sakit ng napakaraming ahensiya ng gobyerno, ’di lang ng DOTr.)

Sana mas mag-focus din ang gobyerno sa active transportation (walking, cycling, atbp.), sa halip na magpatayo ng mga bagong highway o kalsada para sa mga kotse lang.

Binanggit din ni Marcos Jr. ang mga gusaling ipinatayo ng inang si Imelda noong Batas Militar, tulad ng Heart Center, Lung Center, at Children’s Hospital. Dadalhin daw niya ang mga ito sa kanayunan. Pero ibig sabihin, mga ubod nang mahal na designer hospitals ulit ang ipatatayo? Bakit ’di na lang mag-focus sa universal healthcare? (By the way, hanggang ngayon, lumipas na ang SONA, ay wala pa rin siyang health secretary.)

May mga okay ding binanggit

Bagamat maraming kapuna-puna, okay na rin ’yung ilang nabanggit sa SONA. 

Halimbawa, magandang nabanggit ang investments sa enerhiya, partikular ang renewable energy. (Pero ’di natiis ng Pangulo na ’wag banggitin ang “windmill power” – na marahil tumutukoy sa windmills ng Ilocos Norte na ang totoo’y ’di naman siya ang nagpagawa. Nagparinig din siya hinggil sa nuclear power, pero ’di naman binanggit ’yung white elephant sa Bataan.)

Nabanggit din ang Malampaya at pangangailangang punan ang enerhiya ng bansa gamit ang natural gas. Kailangang maaksiyonan ito agad bago maubos ang natural gas supplies ng Malampaya sa bandang 2025. (BASAHIN: Bakit problema mo rin ang Malampaya)

Okay din ang pagsasabing mahalaga ang public-private partnerships o PPPs sa pagpapatayo ng infrastructure projects. (Ito ang financing mode na pinaburan ng pangalawang Aquino administration.)

Somehow, nabanggit din ang Mandanas Ruling ng Korte Suprema na siguradong kakain sa pondo ng national government para sa maraming programa at proyekto. Pero sana tinalakay ito nang maigi. (BASAHIN: Mandanas Ruling: Ginhawa o sakit sa ulo?)

Ano ang mga ’di nabanggit?

Bukod sa mga sinabi ni Marcos Jr., kapuna-puna rin ang mga hindi niya binanggit.

Halimbawa, sa kanyang kampanya, ipinangako ng pangulo na magiging P20 ang bawat kilo ng bigas. Pero wala iyon sa SONA niya. Nakalimutan na agad?

Naging bukambibig din niya sa kampanya ang “food security,” “food sufficiency,” at “food sovereignty.” Pero wala iyon sa SONA.

Panay ang banggit sa ekonomiya, ngunit wala ring nabanggit sa ibang aspeto ng state of the nation. Paano ang hustisya? Human rights? Press freedom? Disinformation? Korupsiyon? Nganga.

At least, hindi na binabanggit ang favorite topics ni Duterte noon, tulad ng war on drugs, kriminalidad, at insurgency. Wala na ring pagmumura at adlib. Maraming tao ang natutuwa sa ganitong istilo ng pananalita. Ngunit ganoon na ba kababa ang standards natin?

Itago ang mga resibo

Sa huli, okay na rin siguro na maraming mga targets at numerong binanggit si Pangulong Marcos Jr. sa SONA. Boring man pakinggan, at least may resibo na tayo na puwedeng gamitin para masabi sa mga susunod na taon kung naging epektibo ang mga programa at polisiya ng gobyerno.

Pero ’di porke’t maraming numerong binanggit, matalino na.

’Di porke’t nakababasa ng straight English o Filipino, magaling na. (By the way, ano’ng ibig sabihin ng “We are very jealous of all that is Filipino”?)

’Di porke’t sinabing “I will not preside over any process that will abandon even one square inch of territory of the Republic of the Philippines to any foreign power,” matapang na.

Bare minimum ’yan ng mga dapat nating asahan mula sa isang pangulo. Sana matuto rin tayong itaas ang ating standards para sa pangulo sa hinaharap. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.