Ferdinand Marcos Jr.

[ANALYSIS] No, Mr. President, malayo pa tayo sa P20/kilo ng bigas

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] No, Mr. President, malayo pa tayo sa P20/kilo ng bigas

DR CASTUCIANO

Una, gawin ang homework at mag-isip ng mga kongkretong plano kung paano pabababain ang presyo ng bigas at agricultural commodities. Tama na ang band-aid solutions tulad ng Kadiwa ng Pasko. Hindi iyan pang-matagalang solusyon.

Noong Nobyembre 16, inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang “Kadiwa ng Pasko,” parang farmers’ market kung saan nagbenta ng mga gulay, prutas, asukal, bigas, atbp. ang iba’t ibang magsasaka sa mga piling lugar bago mag-Pasko.

Mismong si Pangulong Marcos ang dumalo sa launching, at sinabi niya roon na malapit na raw nating makamit ang ipinangako niyang P20 per kilo ng bigas. Totoo ba?

Palibhasa, may mga ibinentang bigas na P25 kada kilo sa Kadiwa ng Pasko (na ’yung supot, may kasamang picture ni Marcos Jr.).

Ayon sa Pangulo, “Palapit na tayo doon sa aking pangarap na mag-P20, pero dahan-dahan lang. Aabutin din natin ’yan, pero marami pa tayong gagawin. Eh ang dami pang nangyayari.”

Mapanlinlang ang mga pahayag ng Pangulo.

Unang una, pinagtatakpan ng bentang P25 kada kilo sa Kadiwa ng Pasko ang katotohanang mahal pa rin ang bigas sa mga pamilihan.

Ibang-iba ang sitwasyon sa mga palengke sa buong bansa, kung saan ang bentahan ng regular-milled rice ay naglalaro pa rin sa P40 kada kilo, samantalang ang well-milled rice ay nasa P44 kada kilo (Figure 1). Ang presyo ng regular-milled rice ay doble pa rin sa pangakong P20 kada kilo.

Ang pinakamurang bentahan na ng bigas ay sa Cagayan Valley, kung saan ang bigas ay naglalaro sa P35.65 kada kilo. Ngunit maging iyon ay malayong-malayo pa sa P20.

Bakit kaya ganoon na lang ang pagpupumilit ni Marcos na malapit na tayo sa P20 kada kilo? Nararamdaman ba niya ang pressure mula sa sariling pangako noong kampanya?

Figure 1.

Ikalawa, sa halip na maging mas mura ay nagmamahal pa lalo ang bigas sa mga nakalipas na buwan. So, lumalayo tayo sa ipinangakong P20 kada kilo.

Ikatlo, piling mga lugar lang naman ang Kadiwa ng Pasko. Hindi rin araw-araw ang bentahan, at mabilis daw magkaubusan ng supplies.

Ikaapat, mali ang paliwanag ni Marcos kung bakit nakapagbenta sila ng P25 kada kilo ng bigas.

Aniya, “Nagiging mas mura [and benta sa Kadiwa stores] dahil ang pamahalaan, unang-una, ’pag bibili ng bigas, kinukuha sa NFA [National Food Authority], kinukuha sa buffer stock, doon lang…hindi kumikita ang NFA. Kung ano ’yung pinambili nila ganoon din ang presyo, kaya’t ’yung nakita ninyo ’yung bigas, P25.”

Ang problema, hindi NFA rice ang ibinebenta sa karaniwang Kadiwa stores. Ayon sa report ng ABS-CBN, commercial rice pa rin ang benta sa Kadiwa stores.

Eto pa: mali ang paliwanag ni Marcos Jr. hinggil sa lumang business model ng NFA. Dati, mahal ang bili ng NFA sa bigas samantalang mura ang benta sa merkado. Ibig sabihin, taliwas sa sinabi ng Pangulo, hindi pareho ang buying at selling price ng NFA.

Ni hindi na rin sakop ng mandato ng NFA ang pagbebenta ng murang bigas. Dahil sa Rice Tariffication Law na pinirmahan ni dating pangulong Rodrigo Duterte noong 2019, ang tanging mandato na lang ng NFA ngayon ay mag-impok ng buffer stuck ng bigas para sa emergencies.

Updated ba si Marcos sa mga kaganapan sa sarili niyang sektor na pinamumunuan?

‘Imported’ inflation

Somehow, aminado naman ang Pangulo na marami pang gagawin upang matupad ang P20 kada kilo ng bigas.

Aniya, “Dahan-dahan lang. Aabutin din natin ’yan pero marami pa tayong gagawin. Eh ang dami pang nangyayari. At wala naman tayong magawa dahil ’yung pagtaas ng presyo ng bilihin ay hindi naman nanggaling sa ekonomiya natin, nanggaling ’yan sa mga pangyayari sa iba’t ibang lugar na hindi naman natin makontrol.”

Oo, maraming external factors o ganap sa labas ng bansa na siyang nagpapataas sa presyo ng mga bilihin tulad ng bigas.

Halimbawa, ang pananakop ng Russia sa Ukraine ay nagpataas sa presyo ng abono o fertilizers sa buong mundo (major exporters ng fertilizer ang dalawang bansang iyon).

Dito sa Pilipinas, may mga klase ng abono na dumoble na ang presyo mula noong 2021 (Figure 2). Tuloy, bumaba na ang palay production sa maraming rehiyon (Figure 3).

Gayunpaman, hindi tamang sabihin na “’yung pagtaas ng presyo ng bilihin ay hindi naman nanggaling sa ekonomiya natin” at “nanggaling ’yan sa mga pangyayari sa iba’t ibang lugar na hindi naman natin makontrol.”

Una, malaking bahagi ng inflation ngayon ay dulot ng malakas na paggastos ng mga Pilipino sa ating sariling ekonomiya. Sa madaling salita, hindi maaaring isisi nang 100% ang inflation sa external factors.

Halimbawa, nariyan ang “revenge spending” ng mga Pilipino sa malls, hotels, restaurants, at turismo, na siyang nagpapataas sa demand at presyo ng mga bilihin. Tumataas na rin ang maraming non-food items tulad ng renta sa bahay.

Ikalawa, puwede sanang umaksiyon ang administrasyong Marcos para manawagan (sa United Nations, halimbawa) na itigil na ng Russia ang pananakop nito sa Ukraine. Ito’y upang huwag nang tumagal pa ang pandaigdigang pagtaas ng inflation.

Ang problema, dati sinabi pa ni Marcos na gusto niyang bumili tayo ng langis mula sa Russia. Ibig ba niyang sabihin, popondohan pa natin ang pananakop ng Russia sa Ukraine? Masasangkot pa tayo sa ganoong paraan?

Kadiwa at Martial Law

Bukod sa mga misleading na pahayag hinggil sa presyo ng bigas at mga dahilan sa likod ng inflation, nariyan siyempre ang historical distortion sa pagpapangalan ni Marcos sa programa bilang “Kadiwa ng Pasko.” (Matatandaang sa kampanya ay sinabi ni Marcos na gusto niyang ibalik ang Kadiwa.)

Tulad ng bungad ng Pangulo sa speech niya, ang Kadiwa ay proyekto ng kanyang ama noong Martial Law.

Maganda naman ang hangarin ng Kadiwa, ngunit kinailangang ihinto ng NFA dahil sa krisis pang-ekonomiya noong dekada ’80 na idinulot ng iresponsableng pangungutang ng ama ni Marcos. Samakatuwid, ang nakatatandang Marcos mismo ang pumatay sa Kadiwa dahil sa kanyang maling pamamahala sa ekonomiya. (BASAHIN: Mga palpak na proyekto ng tatay na Marcos, bakit ibabalik ni Junior?)

Fast forward sa 2022, ginagamit ulit ni Marcos ang Kadiwa ng Pasko upang i-activate ang nostalgia ng mga Pilipino at pabanguhin ang “legasiya” ng kanyang ama.

Ngunit isa na naman itong anyo ng historical distortion.

Tips

Narito ang ilang unsolicited tips sa Pangulo (na ngayo’y agriculture secretary rin):

Una, gawin ang homework at mag-isip ng mga kongkretong plano kung paano pabababain ang presyo ng bigas at agricultural commodities. Tama na ang band-aid solutions tulad ng Kadiwa ng Pasko. Hindi iyan pang-matagalang solusyon, at ilan lang ba ang nakapupunta sa Kadiwa ng Pasko outlets? 

Ikalawa, i-review ang role ng NFA matapos ang rice tariffication. Ibang-iba na ’yan dulot ng Rice Tariffication Law.

Ikatlo, araling mabuti ang mga sanhi ng inflation o pag-arangkada ng presyo ng mga bilihin. At unawain ang pinagkaiba ng domestic inflation at “imported” inflation.

Ikaapat, tigil-tigilan na ang pagpupumilit na i-revive ang mga programa ng diktador na si Marcos. Bumenta na ’yan. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ Podcast.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.