2022 PH presidential race

[ANALYSIS] Mga palpak na proyekto ng tatay na Marcos, bakit ibabalik ni Junior?

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Mga palpak na proyekto ng tatay na Marcos, bakit ibabalik ni Junior?

Janina Malinis

May mga taong nagsasabing ang mga kasalanan ng ama (dating pangulong Marcos) ay ’di kasalanan ng anak na si Marcos Jr. Pero kung ganoon, bakit ipinagpipilitang ang 'achievements' ng ama ay achievements din ng anak?

“Bangon Bayan Muli” ang slogan ng kampanya ni Marcos Jr. Kabilang sa mga gusto niyang ibangon muli ay ang ilang proyekto ng kanyang amang diktador – kabilang ang Oil Price Stabilization Fund, Masagana 99, Kadiwa, at Bataan Nuclear Power Plant.

Una, hanggang copy-paste lang ba ang alam niyang gawin sa mga nagawa ng tatay? Wala ba siyang originality? Ganoon ba siya katamad mag-isip?

Ikalawa, worth it bang ibalik ang mga proyekto ng diktador? Kung susuriin, hindi naman sila ganoon kahusay. At sa katunayan, lahat ng mga proyektong nabanggit ay pumalpak.

Oil Price Stabilization Fund

Noong Pebrero 19, sinabi ng isang adviser ng “Uniteam” na gusto raw ibalik ni Marcos Jr. ang Oil Price Stabilization Fund o OPSF na itinatag ni dating pangulong Marcos noong Oktubre 1984.

Noong dekada ’70 at ’80 kasi, grabe ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Bilang tugon, itinatag ang OPSF: tuwing tumataas ang presyo ng langis, binibigyan nito ng subsidiya ang oil companies upang mura nilang maibenta ang langis sa merkado. Kung bumababa naman ang presyo, tinataasan ang buwis sa langis.

Maugong ang panukalang ito ngayon, lalo na’t grabe ang pagsipa ng presyo ng langis dulot ng giyera sa Ukraine. Noong Marso 2, gusto na ring ibalik ni Manny Pacquiao ang OPSF.

Maganda sana ang layunin ng OPSF. Pero tulad ng maraming bagay, “the devil is in the details.”

Ang problema sa OPSF, nagbigay-daan ito sa paglobo ng gastusin ng gobyerno. Masyadong malaki ang inako ng OPSF sa pagtaas ng presyo ng langis, lalo na noong dekada ’90. Ayon sa isang 2014 na pag-aaral, mula 1990 hanggang 1997 ay tumanggap ang OPSF ng P17.6 bilyong subsidiya mula sa national government. Gayunpaman, naubos pa rin ang pondo at kinailangang iligtas ng Philippine National Oil Company ang OPSF sa halagang P10 bilyon. Nag-iwan din ito ng P2.6 bilyong utang sa “Big Three” oil companies noon.

Bukod sa inagaw ng OPSF ang perang dapat sana’y napunta sa edukasyon o kalusugan, napilitan ang gobyernong lalo pang umutang – ilang taon lamang matapos ang debt crisis na idinulot ng dating pangulong Marcos.

Noong 1998, kasabay ng pagpasa ng oil deregulation law, tuluyang ibinasura ang OPSF.

Fast-forward ngayong Enero 2022, sa gitna ng pandemya, umabot na sa P12 trilyon ang kabuuang utang ng Pilipinas. Hene-henerasyon ang magbabayad noon. Gusto ba nating lalong mabaon sa utang ang bansa kapag manumbalik ang OPSF?

Masagana 99

Sa “debate” ng SMNI noong Pebrero 15, kung saan sumipot si Marcos Jr., iginiit niyang nakabuti ang Masagana 99 sa ating bansa.

Paulit-ulit na ang naratibong ito ng mga Marcos.

Noong 2020, sa isang hearing sa Senado, ipinagmalaki rin ni Senador Imee Marcos ang Masagana 99, na aniya’y, naging “success.” Ngunit binara siya ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na nagsabing kinailangang linisin ng administrayon ni dating pangulong Cory Aquino ang kalat o “mess” na idinulot ng Masagana 99. (Nagsilbi si Dominguez bilang agriculture secretary noong panahong iyon.)

Itinatag ang Masagana 99 noong Mayo 1973, wala pang isang taon matapos ideklara ang Batas Militar. Basically, isa itong pautang para sa mga magsasaka upang sila’y makabili ng binhi ng high-yielding rice varieties, pesticides, fertilizers, at iba pang gamit sa bukid.

Ang problema, humigit-kumulang 800 na rural banks ang nabangkarote dahil ’di nakapagbayad ang maraming pinautang. Ayon sa 1981 na pag-aaral ni Prof. Manny Esguerra ng UP School of Economics, mula 1973 hanggang 1979 ay halos nangalahati ang porsiyento ng Masagana 99 beneficiaries na nakapagbayad. Imbes na pautang, naging dole-out ang Masagana 99.

’Di lang kasi pautang ang kailangan ng mga magsasaka. Puwede sanang nakatulong ang seryosong reporma sa lupa (land reform), ngunit ’di yumabong iyon (nadiskaril pa nga) noong Batas Militar.

Kadiwa, FTI

Gusto ring ibalik ni Marcos Jr. sa bawat barangay ’yung Kadiwa “rolling” stores noong panahon ng amang diktador. Naging “effective” daw kasi ang Kadiwa at “maraming natutulungan.” Noong kampanya ni Imee sa pagka-senador noong 2019, paulit-ulit din niyang pinapurihan ang Kadiwa.

Ang Kadiwa, na nasa ilalim noon ng National Food Authority (NFA), ay gumamit ng mobile stores upang ibenta sa murang halaga ang gulay, isda, prutas, at ibang food items sa iba’t ibang panig ng bansa.

Bukod sa Kadiwa, nasa ilalim din ng NFA noong Batas Militar ang Food Terminal Incorporated o FTI, na nagsilbing “hub” ng food trading at processing mula noong 1968.

Maganda sana ang hangarin ng Kadiwa at FTI. Ngunit sa isang pag-aaral ng mga ekonomista noong 2000, ikinumpara ang iba’t ibang wholesale markets at commodity exchanges sa Pilipinas, Thailand, Japan, at ibang karatig-bansa. ’Yung FTI lang ng Pilipinas ang hindi nagtagumpay sa mga iyon.

Bukod kasi sa naging malayo ang FTI sa maraming probinsiya, lalo na sa Visayas at Mindanao, ’di rin naging malinaw ang layunin nito. Nabahiran din ng politika at pinabagal ng burukrasya.

Ngayon, may mga sumisisi kay Cory Aquino dahil sa pagsasa-pribado niya ng FTI at iba pang korporasyon ng gobyerno. Sa katunayan, noong kasagsagan ng debt crisis ay nag-isyu ang amang si Marcos ng kautusang ibenta na ang maraming korporasyon ng gobyerno. At nadamay dito ang naluging FTI. Sa katunayan, si Marcos din ang sanhi ng pagsasa-pribado noon.

Ang Kadiwa naman, kinailangan ding ihinto ng NFA sa gitna ng krisis pang-ekonomiya noong dekada ’80.

Sa mga sumunod na administrasyon, ginaya at nag-transform din ang Kadiwa bilang ERAP (Enhanced Retail Access Program) at GMA (Greater Market Access). Noong 2021, binuhay ng administrasyong Duterte ang Kadiwa brand mismo.

So hindi naman pala nawala nang tuluyan ang Kadiwa. Pero ito ba talaga ang sagot sa gutom? Kahit deka-dekada na ang rolling stores, bakit napakarami pa ring gutom at isa sa tatlong batang Pilipino ang stunted o bansot?

Bataan Nuclear Power Plant

Panghuli, gusto ring buhayin ni Marcos Jr. ang Bataan Nuclear Power Plant o BNPP. “I-re-revisit ’yan” sabi ni Marcos Jr., ayon sa adviser ng Uniteam. “Everything is on the table” daw.

Sa isang banda, sinabi kamakailan ng pinuno ng Philippine Nuclear Research Institute na secure at safe daw ang revival ng BNPP. At bagama’t malapit-lapit ang BNPP sa bulkang Mount Natib, ’di na raw aktibo iyon.

Samantala, may mga nagsasabi ring “absolutely outdated” o sobrang luma na ang teknolohiya ng BNPP. Bagama’t ’di naman matutulad sa Chernobyl, magiging napakagastos daw ng pag-revive ng BNPP, pati ang decommissioning o pagpapasara nito sa kalaunan, at ang storage sa nuclear waste na malilikha nito.

Malaki rin ang baggage na dala ng BNPP sa ating kasaysayan. Isa itong “white elephant” ni Marcos na mahigit dalawang bilyong dolyar ang halaga, at kaliwa’t kanan ang naging tongpats. Dalawang dekadang binayaran ng taumbayan ang BNPP, ngunit zero ang nilikhang kuryente. Bokya!

Ang mas malala, kinurakot pa ito ni Marcos at Herminio Disini, broker ng BNPP deal at isa sa malapit na cronies ng diktador. Ayon sa librong Some Are Smarter Than Others ni Ricardo Manapat, nakakuha si Disini ng $43 milyon hanggang $80 milyong komisyon mula sa proyekto. Ang dating pangulo ay nakapagnakaw rin ng ’di bababa sa $30 milyon mula sa BNPP.

Noong 2021, inutos ng Korte Suprema na magbayad ang estate ni Disini ng P1 bilyon sa gobyerno dahil sa BNPP. (Namatay na si Disini noong 2014.)

Never again

May mga taong nagsasabing ang mga kasalanan ng ama (dating pangulong Marcos) ay ’di kasalanan ng anak na si Marcos Jr. Pero kung ganoon, bakit ipinagpipilitang ang “achievements” ng ama ay achievements din ng anak?

Mali ito sa maraming dahilan.

Una, nakinabang si Marcos Jr. sa nakaw na yaman ng kanyang mga magulang. At sa pagtatanggol niya sa nakaw na yaman na iyon, namana na rin niya ang kasalanan ng mga magulang.

Ikalawa, marami sa “achievements” ng tatay – na sinasabing nagdulot ng “golden age” ng ating bansa – ay palpak pala. Bakit gusto niyang ibangon muli pati ang mga kapalpakan ng nakaraan? – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

JC Punongbayan

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations.