Election fact checks

HINDI TOTOO: Litrato ng Poong Nazareno na ginawang ‘kakampink’

Rappler.com
HINDI TOTOO: Litrato ng Poong Nazareno na ginawang ‘kakampink’
Ang imahen ng pink na Nazareno ay walang kinalaman sa kandidatura ni Robredo. Kumakalat na ang larawan noong 2018 pa lamang.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Sinuotan ng kulay pink na damit ang imahe ng Poong Nazareno upang magmukhang tagasuporta ni Bise Presidente Leni Robredo.
  • Marka: HINDI TOTOO. Sumasang-ayon ang Rappler sa markang “Hindi Totoo” na nauna nang ibinigay ng Baguio Chronicle sa kanilang fact check sa sabi-sabing ito.
  • Ang Katotohanan: Ang imahen ng pink na Nazareno ay walang kinalaman sa kandidatura ni Robredo. Kumakalat na ang larawan noong 2018 pa lamang.
  • Bakit kailangang i-fact check? Ang post mula sa Facebook page na “Political Pulse” ay nakakuha na ng 62 na komento, 161 reaksiyon, at 136 na shares sa Facebook nang isinulat ang fact check na ito.
Mga detalye

Sa isang post ng Facebook page na “Political Pulse” noong Abril 14, 2022, makikita ang imahen ng Poong Nazareno na nakasuot ng kulay pink na damit. Ayon sa post, ang itim na imahen ng Nazareno raw ay binihisan ng pink na damit upang palabasin na ito ay isang “kakampink” o tagasuporta ito ni Bise Presidente Leni Robredo.

Binansagan ng nag-post ang na “Pink Nazarene” ang imahen.

Walang kaugnayan sa kandidatura ni Robredo ang pink na kasuotan ng Nazareno.

Ang larawan ng Nazareno na nakasuot ng pink ay matagal nang lumabas sa social media at pinag-uusapan na bago pa man maghain ng kandidatura sa pagkapresidente si Robredo noong Oktubre 2021, kung kailan sinimulan niyang gamitin ang kulay na pink.

Ayon sa fact check ng Baguio Chronicle sa sabi-sabing ito, sa post ng isang social media user noong Abril 15, 2018, makikita na ginamit na ang parehong larawan ng Nazareno.

Sa simbahang Katoliko, ang pagsusuot ng pink ay ginagawa lamang dalawang beses sa isang taon. 

Ang kulay pink ay ginagamit sa Laetare Sunday o ang ikaapat na linggo ng Kuwaresma na sumisimbolo sa saya sa kalagitnaan ng lungkot at pag-aayuno. Ginagamit din ito sa ikatlong linggo ng Adbiyento tuwing Disyembre na sumisimbolo naman sa kasiyahan sa pagdating ng anak ng Diyos. – Marco Luis D. Beech/Rappler.com kasama ng Baguio Chronicle

Si Marco Luis D. Beech ay isang Rappler intern. Ang fact-check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor. Basahin ito para sa karagdagang detalye tungkol sa internship program ng Rappler.

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.