Fact checks about Church figures

MANIPULADONG LARAWAN: Pahayag ng suporta ng Santo Papa kay Bongbong Marcos

Rappler
MANIPULADONG LARAWAN: Pahayag ng suporta ng Santo Papa kay Bongbong Marcos
Ang orihinal na quote card ay mula sa isang ABS-CBN News na inilathala noong Nobyembre 4, tungkol sa pahayag ng Santo Papa hinggil sa panghuhusga ng kapwa
Buod
  • Ang sabi-sabi: Sinabi raw ni Santo Papa Francis na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay isang matalinong pinuno, at sana raw ay manalo siya sa 2022 elections.
  • Marka: MANIPULADONG LARAWAN
  • Ang katotohanan: Walang anumang ulat na nagpapatunay na sinabi ito ng Santo Papa. Ang orihinal na quote card ay mula sa ABS-CBN News na inilathala noong Nobyembre 4.
  • Bakit kailangan i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang mahigit 4,400 reaksiyon, 160 komento, at 2,200 shares ang post. May mga nag-email ng post sa Rappler at sa Facebook group ng “Fact-checking in the Philippines” para ma-fact-check.
Mga detalye

Noong Lunes, Nobyembre 8, ang Facebook account na “Nil Nil” ay nag-upload ng isang pekeng quote card kasama ang larawan ni Santo Papa Francis.

Ayon dito, sinabi raw ni Santo Papa na: “BBM is an intelligent leader. I hope he win in 2022.” (Si Bongbong Marcos ay isang matalinong pinuno. Sana manalo siya sa 2022.)

Ayon sa caption ng post, hindi raw ito ibinalita ng media. Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang mahigit 4,400 reaksiyon, 160 komento, at 2,200 shares ang post. May mga nag-email ng post sa Rappler at sa Facebook group ng “Fact-checking in the Philippines” para ma-fact-check.

Manipulado ang larawang ito.

Gamit ang reverse image search, makikita na ang orihinal na larawan ay galing sa ABS-CBN News na inilathala noong Nobyembre 4. Ang quote card ay hindi tungkol kay Marcos, sa halip ay sa pahayag ng Santo Papa noong Nobyembre 3 hinggil sa panghuhusga ng kapwa. Ang kumakalat na quote card ay inedit lamang.

Ang orihinal na laman ng quote card ay: “When we are tempted to judge others badly, we must rather reflect on our own weakness. It is good to ask ourselves what drives us to correct a brother and sister, and if we are not in some way co-responsible for their mistake.

(Kapag natutukso tayong husgahan nang masama ang iba, mas dapat nating pag-isipan ang sarili nating kahinaan. Mabuting tanungin ang ating sarili kung ano ang nagtutulak sa atin na ituwid ang isang kapatid, at kung sa anumang paraan ay may pananagutan din ba tayo sa kanilang pagkakamali.)

Walang nakitang opisyal na pahayag ang Rappler na nagpapatunay na sinabi ng Santo Papa ang quote tungkol kay Marcos Jr. Wala ring balita mula sa alinmang lehitimong news outfit na sinabi ng Santo Papa na matalinong lider si Marcos. – Owenh Toledo/Rappler.com

Si Owenh Toledo ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.