Nobel Prize

TEKSTO: Talumpati ni Maria Ressa sa pagpaparangal ng Nobel Peace Prize

Maria Ressa

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

TEKSTO: Talumpati ni Maria Ressa sa pagpaparangal ng Nobel Peace Prize

NOBEL LAUREATE. Nagtatalumpati ang Nobel Peace Prize winner na si Maria Ressa sa Nobel Peace Prize award ceremony sa Oslo City Hall sa Oslo, Norway, nitong Disyembre 10, 2021.

Heiko Junge/NTB/via Reuters

Kung walang mga fact, hindi magkakaroon ng katotohanan. Kung walang katotohanan, hindi magkakaroon ng pagtitiwala. Kung walang pagtitiwala, hindi tayo magkakaroon ng iisang realidad, walang demokrasya, at imposibleng kaharapin ang mga problema sa pag-iral bilang tao sa ating panahon: klima, coronavirus, at ngayon ang pakikipaglaban para sa katotohanan.

Tinanggap ng beteranang journalist at Rappler CEO na si Maria Ressa at ng Russian journalist na si Dmitry Muratov ang Nobel Peace Prize noong Biyernes, Disyembre 10, sa Oslo, Norway. Kinikilala sa buong mundo bilang simbolo ng kalayaan sa pamamahayag at demokrasya, si Ressa ang kauna-unahang Filipino na ginawaran ng award na ito.

Narito ang buong teksto ng talumpati ni Ressa sa Oslo, isinalin ni Romulo Baquiran Jr. mula sa orihinal na Ingles. (Basahin dito ang talumpati ni Muratov.)

* * *

Salamat.

Ang Inyong Mga Kamahalan, Ang Inyong Matataas na Kamahalan, Natatanging Kasapi ng Lupong Noruega para sa Nobel, Ang Inyong Mga Excelencia, Mga Natatanging Panauhin, Mga Binibini at Ginoo.  

Nasa harap ninyo ako ngayon, kinatawan ng lahat ng journalist sa buong mundo na napilitang magsakripisyo nang labis upang mapanatili ang ating tinatamasa, manatiling tapat sa ating mga halagahan at layunin; na mailaan sa inyo ang katotohanan at mapanagot ang mga may hawak ng kapangyarihan. Hindi ko nalilimutan ang malupit na pagputol-putol sa katawan ni Jamal Khashoggi, ang asasinasyon ni Daphne Caruana Galizia sa Malta, ang kaibigan kong si Luz Mely Reyes sa Venezuela, si Roman Protasevich sa Belarus (na hinayjak ang sinasakyang eroplano para lamang maaresto siya), si Jimmy Lai na nakapiit sa Hong Kong, si Sonny Swe, na pagkaraang makalabas matapos ang pitong pagkakulong, ay nagtayo ng panibagong news group at napilitang umalis ng Myanmar. Sa sariling bayan kong Filipinas, ang 23-taong-gulang na si Frenchie Mae Cumpio, nakakulong pa rin matapos ang halos dalawang taon, at 36 oras pa lamang ang nakaraan ay napatay ang dati kong kasamahan, Jess Malabanan, nang barilin siya sa ulo. 

Maraming dapat pasalamatan para patuloy kaming mas maging ligtas at  magawa ang trabaho namin. Ang #HoldTheLine Coalition na binubuo ng higit sa 80 global na grupo na nagtatanggol sa press freedom at ng mga grupong nagtataguyod ng karapatang pantao na tumutulong sa aming patuloy na maitanghal ang liwanag. May mga pasanin din kayo: mas maraming abogado kaysa journalist ang napatay sa Filipinas – hindi bababa sa 63 kumpara sa 22 journalist na pinaslang pagkaraang mailuklok sa kapangyarihan si Presidente Rodrigo Duterte noong 2016. Mula noon, ang Karapatan, isang miyembro ng aming #CourageON na isang koalisyon para sa karapatang pantao, ay napatayan na ng 16 tao, at si Senador Leila de Lima, dahil iginiit kung sino ang dapat managot, ay pinagdurusahan ang ikalimang taon niya sa kulungan. O ang ABS-CBN, ang pinakamalaki naming brodkaster, isang newsroom na dati kong pinangunahan, na nawalan ng prangkisa sa operasyon noong isang taon. 

Tumulong akong maitatag ang isang startup, ang Rappler, na magsasampung taon na sa Enero – tumatanda na kami – ang pagsubok naming pagsamahin ang magkahidwang mukha ng iisang barya kung bakit nagkasira-sira ang mundo natin ngayon: ang pagkawala ng batas at demokratikong bisyon para sa siglo 21. Simbolo ang baryang ito ng ating ekosistema sa impormasyon, na nagtatakda ng lahat ng iba pa sa ating mundo. Ang mga journalist – nasa isang mukha ito – ang mga datihang tagabantay. Ang kabilang mukha ay ang teknolohiya, na may kapangyarihang mala-diyos, ang bagong tagabantay. Pinahintulutan nito ang virus ng kasinungalingan na mahawahan ang lahat sa atin, pinag-away tayo, pinalabas ang ating mga takot, galit, muhi, at inihanda ang pagkakataon sa pag-angat ng mga awtoritaryan at diktador sa buong mundo.  

Ang pinakalalong kailangan natin ngayon ay mabago sana ang pagkamuhi at karahasan, ang nakalalasong latak na dumadaloy sa ating sistema ng impormasyon, lalo pang itinataguyod ng mga kompanya ng internet ng Amerika na kumikita ng limpak na salapi sa pagkakalat ng muhi at minimitsahan ang ating pinakamasamang pagkatao. Isa lamang ang ibig sabihin nito, kailangan nating higit na magsikap. Upang maging mabuti, kailangan nating maniwalang may mabuti pa sa ating daigdig. 

Naging journalist ako nang higit sa 35 taon: nagtrabaho ako sa mga pook ng hidwaan at digmaan sa Asia, nagreport ng daan-daang disaster, at bagama’t nakakita ng maraming masama, naitala ko rin ang maraming mabuti, kapag pinagkalooban ka ng mga taong walang-wala ng kung anong makakaya nila. Kasama sa dahilan kung paano kami nakapagpatuloy sa Rappler sa kabila ng limang taong pang-aatake sa amin ng gobyerno ay ang kabutihang-loob ng ibang tao, at ang dahilan ng pagtulong nila – kahit mapanganib – ay dahil gusto nila, nang halos walang inaasahang kapalit. Ito ang pinakamaganda sa atin, ang bahagi ng tao na dahilan ng paglitaw ng himala. Ito ang mawawala sa atin sa daigdig ng takot at karahasan. 

Nalaman na siguro ninyo na ang huling pagkakataong nakatanggap ang isang  aktibong journalist nitong gawad ay noong 1936, na ipinagkaloob noong 1935. Pupunta sana dapat siya para tanggapin ito noong  1936; pero hindi nakarating si Carl von Ossietzky sa Oslo dahil nakapiit siya sa isang Nazi concentration camp. Heto kami ngayon, nasa mas mabuti-buting kalagayan naman dahil pareho kaming narito! 

Sa pagbibigay nito ngayon sa mga journalist  – salamat – ipinapahiwatig ng lupon ang nakatutulad na historikong sandali, isa pang eksistensiyal na punto para sa demokrasya. Masuwerte kami ni Dmitry dahil nakakausap namin kayo ngayon (Salamat sa pahintulot ng korte)! Pero marami pang ibang journalist na naghihirap sa dilim at hindi naibabalita at walang suporta, at nagmalabis pang lalo ang ang mga gobyerno nang walang pakundangan. Pinabibilis ito ng teknolohiya, ngayong may bagong kahulugan ang malikhaing pagwasak. 

Nalaman natin mula kay David [Beasley]: nakatayo na tayo sa guho ng dating daigdig, at dapat na may abanteng pananaw at giting tayo na maisip kung ano ang mangyayari kapag hindi tayo kumilos ngayon, at sa halip, pakiusap po, ay  lumikha ng nararapat na daigdig – higit na malingap, may pagkakapantay-pantay, at makakayang maipagpatuloy. 

Para magawa ito, sabihin sa sarili ang tanong na kailangang sagutin ng Rappler limang taon ang nakakaraan: Ano ang kaya mong isakripisyo para sa katotohanan?

Sasabihin ko sa inyo sa tatlong punto kung paano ko ito nasagot habang isinasabuhay rin: una, ang konteksto ko at kung paano ako hinugis nito; pangalawa, ang problemang kinakaharap nating lahat; at, sa kaduluhan, ang pagtukoy sa solusyon – dahil dapat nating gawin ito! 

Wala pang dalawang taon, hinainan ako ng gobyerno ng Filipinas ng 10 arrest warrant. Kailangan kong magpiyansa nang 10 beses para lamang maituloy ko ang trabaho ko. Noong isang taon, kami ng isang dating kasamahan ay napatawan ng cyber libel sa isang kuwentong nailathala namin nang walong taon na, sa panahong wala pa ang batas na diumano ay nilabag namin.

Pero habang inaatake ako sa gawaing journalism ko, lalo akong nanindigan. May hawak akong matibay na ebidensiya ng pag-abuso nila sa kapangyarihan. Kung ano ang ipinantakot sa amin ang lalong nagpalakas sa amin sa Rappler.

Nasa puso ng journalism ang kodigo ng dangal. Nakalatag ang sa akin sa iba-ibang mundo – kung paano ako lumaki, ang ginintuang panuntunan, kung ano ang tama at mali; mula sa kolehiyo, at ang kodigo ng dangal na natutuhan ko doon; at ang karanasan ko bilang reporter, at ang kodigo ng pamantayan at etika na natutuhan ko at tumulong akong mabuo. Idagdag pa riyan ang idea ng Filipino sa utang ng loob – ibig sabihin ay utang na galing sa kalooban – pinakalamalapit na kahulugan ang abanteng pagbibigay.

Nagsalubong na parang palaso sa sandaling ito ang katotohanan at etikal na dangal, ngayon na punong-puno ng muhi, kasinungalingan, at hidwaan. Bilang ika-18 babae pa lamang na mapagkalooban nitong gawad, kailangang kong idiin kung paanong ang makasariang disinformation ay isang bagong banta at talagang nagpapabigat sa kalusugan sa isip at kaligtasang pisikal ng kababaihan, kabataang babae, trans, at miyembro ng LGBTQ+ sa buong mundo. Nasa pinakamapanganib na puwesto ang kababaihang journalist. Dapat na kontrahin itong pandemya ng galit at muhi sa kababaihan. Ganito man, makakatagpo tayo ng kalakasan. Anuman, hindi mo tunay na makikilala ang sarili hanggang kailangan mo na talagang ipagtanggol ito.  

Hayaang dumistansiya ako para matukoy ang problemang kinakaharap natin at paano nga ba tayo napunta rito.

Nagsimula limang taon na ang atake sa Rappler nang hilingin namin na tapusin na ang kawalang pananagutan sa dalawang panig: ang digmaan-kontra-droga ni Duterte at Facebook ni Mark Zuckerberg. Ngayon, lalo lamang lumubha – ibinawi sa Estados Unidos ang pagkakasala ng Silicon Valley noong Enero 6 nang dahasin ng mga taong kuyog ang Capitol Hill.

Anuman ang mangyari sa social media ay hindi nananatili sa social media.

Ang karahasan online ay totoong buhay na karahasan.

Mabagsik na laro ang social media para sa kapangyarihan at pera, ang tinatawag ni Shoshana Zuboff na surveillance capitalism, kinukuha ang mga pribado nating buhay para sa malawakang tubo ng mga korporasyon. Sinasamsam ang mga personal na danas natin papunta sa isang database, organisado ng AI, at makukuha ng tagabiling pinakamataas magpresyo. Mataas ang kita ng operasyong micro-targeting na idinisenyo para estruktural na masabotahe ang kapasiyahan ng tao. Paulit-ulit na tinawag ko itong isang sistema ng sinadyang pagbago sa pag-uugali ng tao kung saan itinuring tayong mga aso ni Pavlov, pinag-eksperimentuhan sa totoong buhay (oras) na humantong sa masasaklap na pangyayari sa mga bansa tulad ng sa akin, Myanmar, India, Sri Lanka, at marami pang iba. Hinigop nitong mga mapanirang korporasyon ang salapi sa mga news organization at malaking banta ang mga ito sa batayan ng mga merkado at eleksiyon.

Pinakamalaking tagapagbahagi ng balita ang Facebook, ngunit ipinakita ng mga pag-aaral na mas mabilis at malawak kumalat ang kasinungalingang may bahid ng galit at muhi  kaysa sa katotohanan.

Itong mga kompanya ng Amerika na kumokontrol sa ating ekosistema ng impormasyong global ay hindi pabor sa ating mga journalist. Sa pagkakadisenyo sa mga ito, gumagawa ito ng pagkakahidwa at radikalisasyon sa atin.

Limang taon ko nang paulit-ulit na sinasabi ito: kung walang mga fact, hindi magkakaroon ng katotohanan. Kung walang katotohanan, hindi magkakaroon ng pagtitiwala. Kung walang pagtitiwala, hindi tayo magkakaroon ng iisang realidad, walang demokrasya, at imposibleng kaharapin ang mga problema sa pag-iral bilang tao sa ating panahon: klima, coronavirus, at ngayon ang pakikipaglaban para sa katotohanan.

Nang unang beses akong maaresto noong 2019, ang sabi ng tagahuli, “Ma’am, trabaho lang po.” Pagkatapos bumaba ang boses niya na halos pabulong habang binabasa sa akin ang mga karapatang Miranda. Asiwang-asiwa siya, at halos naawa na ako sa kanya.  Kaya nga lang ay huhulihin niya ako dahil isa akong journalist!

Instrumento ng kapangyarihan ang opisyal – isang halimbawa kung paanong nagiging masama ang isang mabuting tao – at kung paanong nangyayari ang mga karumal-dumal na kalupitan. Isinulat ni  Hannah Arendt ang tungkol sa pagiging karaniwan lang ng kasamaan nang ilarawan niya ang mga taong tinupad ang mga atas ni Hitler, kung paanong ang mga burukratang nakatuon sa kanilang karera ay puwedeng kumilos nang walang pakundangan sa budhi dahil mabibigyang-katwiran nila ang ginagawa nila dahil sumunod lamang naman sila sa atas.  

Ganito kung paano ang isang bansa – ang daigdig – ay nawawalan ng kaluluwa.

Kailangang alam mo ang iyong mga halagahang ipinaglalaban, kailangang linawin mo ang mga hanggahan una pa lamang, at, kung hindi pa, mangyaring magpasya na ngayon – dito ang panig ng masama, doon ang panig ng mabuti. May mga gobyernong wala na tayong magagawa pa, at kung nagtatrabaho ka sa tech, para sa iyo ito. 

Paano ka magkakaroon ng mapagkakatiwalaang eleksiyon kung walang mapagkakatiwalaang mga fact?

Iyan ang problemang kinakaharap ng mga bansang magkakaroon ng eleksiyon sa isang taon; kasama diyan ang Brazil, Hungary, France, United States, at ang aking Filipinas – nasa punto na kami ng todong desperasyon sa eleksiyong pang-presidente sa May 9. Tatlumpu’t limang taon pagkaraang mapatalsik ng People Power Revolt si Ferdinand Marcos at mapuwersa ang pamilya niya na ma-exile, ang kaniyang anak na si Ferdinand Marcos Jr. ay nangungunang kandidato sa pagkapresidente, at nakabuo siya ng malawak na disinformation network sa social media, na inilantad ng Rappler noong 2019. Literal na binabago nito ang kasaysayan sa harap mismo natin.   

Para maipakita kung paanong parehong lokal at global na problema ang disinformation, tingnan ang operasyon ng Tsinong impormasyon na tinanggal ng Facebook noong Setyembre  2020, noong isang taon: gumagawa ito ng mga pekeng account gamit ang mga retratong gawa ng AI para sa eleksiyon sa US, pinagaganda ang imahen ng mga Marcos sa Filipinas, nangangampaya para sa anak na babae ni Presidente Duterte, at inaatake ako at ang Rappler. 

Ano ang gagawin natin?

Isang di-nakikitang bomba atomika ang sumabog sa ating ekosistema ng impormasyon, at dapat na kumilos ang daigdig gaya ng pagkaraan ng Hiroshima. Tulad noon, kailangan nating magtatag ng mga bagong institusyon, gaya ng United Nations, at mga bagong kodigo na nagpapahayag ng ating mga halagahan, gaya ng Universal Declaration of Human Rights, para mapigilan ang sangkatauhan sa paggawa ng pinakamalubha nito. Isa itong arms race sa sistemang pang-impormasyon. Para mapigilan ito, kailangan ang isang multilateral na pagdulog na kasama tayong lahat. Magsisimula ito sa pagpapanumbalik sa mga fact.  

Kailangan natin ng mga ekosistemang pang-impormasyon na nakasalalay ang buhay at pagkamatay sa mga fact. Magagawa natin ito sa paglipat ng panlipunang priyoridad patungo sa muling pagbuo ng journalism para sa siglo 21 habang kinokontrol at ginagawang ilegal ang ekonomiyang surveillance na kumikita sa muhi at kasinungalingan. 

Kailangan nating tulungan na makapagpatuloy ang independiyenteng journalism, una sa paglalaan ng mas malawak na proteksiyon sa mga journalist at paglaban sa mga estadong tumatarget sa mga journalist. Tapos, kailangan nating tugunan ang pagbagsak ng advertising model para sa journalism. Bahagi ito ng dahilan kung bakit ako pumayag na maging kasamang tagapangulo ng International Fund for Public Interest Media, na sumusubok mangalap ng pondo mula sa overseas development assistance funds. Sa ngayon, habang inaatake ang mga journalist sa lahat ng panig, ang 0.3% lamang ng ODA funds ang napupunta sa journalism. Kung iaangat natin ito sa kahit 1%, magkakaroon tayo ng $1 bilyon sa isang taon para sa mga news organization. Napakahalaga niyan sa mga mahihirap na bansa sa daigdig. 

Dapat na angkinin ng mga journalist ang teknolohiya. Kaya sa tulong ng Google News Initiative, inilabas ng Rappler ang isang bagong platform dalawang linggo na at itinatag ito para bumuo ng mga komunidad na gumagawa ng aksiyon. Hindi ito magiging viral gaya ng binuo ng mga tech platform, ngunit hindi lamang tubo ang pangunahing layunin dito. Mas pinahahalagahan ang fact, katotohanan, at tiwala. 

Ngayon, para sa pagsasabatas. Salamat sa EU para sa panguguna sa pamamagitan ng Democracy Action Plan nito. Para sa US, baguhin o pawalang-bisa ang Seksiyon 230, ang batas na nagtuturing sa mga platform ng social media na parang mga utility. Hindi ito komprehensibong solusyon, ngunit makapagsisimula ito ng mga bagay. Dahil pangunahin ang papel nitong mga platform sa lawak ng distribusyon. Kaya habang narito ang usaping publiko, dito sa pagkontrol ng nilalaman downstream, nangyayari ang talagang pagkontrol sa dakong itaas pa upstream, kung saan ang mga algorithm ng amplipikasyon, mga algorithm ng distribusyon ay naiprograma ng mga tao na may coded bias. Tulak ng kita ang adyendang editoryal nila, malawakang isinasagawa ng mga makina. Global ang epekto nito, nagagawa ng mga murang hukbo sa social media na maitulak ang demokrasya, baklasin ito sa hindi bababa sa 81 bansa sa buong mundo. Dapat na maitigil itong hind mapanagot na paggawa ng masama. 

Ang demokrasya ay naging isa-sa-isang laban ng bawat babae at lalaki para ipagtanggol ang mga halagahan natin. Nasa sandali tayo ng pagbukas ng dumadausdos na pinto, puwede tayong magpatuloy sa daang kinalalagyan natin at tumuloy-tuloy lamang sa pasismo o piliing ipaglaban ang isang mas magandang daigdig.  

Para magawa iyan, tanungin ang iyong sarili: Ano ang IYONG kayang isakripisyo para sa katotohanan? 

Hindi ko alam na mapupunta ako rito ngayon. Araw-araw, nabubuhay ako sa totoong banta na mabuhay sa kulungan dahil isa akong journalist. Sa pag-uwi ko, wala akong hinagap kung ano ang darating, ngunit susugal ako rito. 

Nangyari na ang pagwasak. Panahon na para sa muling pagbubuo – na likhain ang daigdig na nais natin.

Kaya, kasabay ako, pumikit sandali at isipin ang nararapat na daigdig. Isang daigdig ng kapayapaan, pagtitiwala, at pakikiiisa, pagbuo ng pinakamainam nating sarili.

Dumilat. Magpatuloy, kailangan nating tuparin ito. Magsama tayong hindi magpapagapi. Maraming salamat. – Rappler.com

Basahin ang Rappler IQ articles tungkol sa Nobel Prize:

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!