Fact checks on public officials

FACT CHECK: Hindi papalitan ang pangalan ng NAIA sa utos ng Pangulo

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

FACT CHECK: Hindi papalitan ang pangalan ng NAIA sa utos ng Pangulo
Noong Enero 23, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tinitingnan ang posibilidad na ipahawak ang pamamahala ng operasyon ng paliparan sa pribadong sektor.

Ang sabi-sabi: Papalitan na raw ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at gagawin itong MIA sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. 

Nakalagay sa thumbnail ng video na pinamagatang “KAKAPASOK LANG GRABE! PRES MARCOS BIGLAANG NILUSOB ang NAIA PAPALITAN na to MIA, YAP TULFO UMAKSYON” ang mga tekstong “SA WAKAS PINALITAN NA! TO ANG MATINDING UTOS NG PANGULO” at “CONFIRMED! NAIA TO MIA!”

Hindi nilinaw sa kabuuan ng video kung ano ang ibig sabihin ng MIA ngunit maaaring ang tinutukoy nito ay ang dating pangalan ng paliparan na Manila International Airport. Wala na ring pagbanggit sa nasabing sabi-sabi sa kabuuan ng video, at sa halip ay ipinarinig ang clip ng pahayag ng Pangulo kaugnay ng paglilinaw niya sa bali-balitang isasapribado ng kanyang administrasyon ang nasabing paliparan. 

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact-check: Ang video na naglalaman ng sabi-sabi ay mayroong 204,000 na view sa YouTube at laman din ng ilang post sa Facebook. Taong 2022 pa nang magsimulang ipalaganap ang mga sabi-sabing papalitan na raw ang pangalan ng nasabing paliparan. 

Ang katotohanan: Walang sinabi si Pangulong Marcos na papalitan na ang pangalan ng NAIA at gagawin itong MIA. 

Ginamit sa mapanlinlang na video ang clip mula sa pahayag ng Pangulo noong Enero 23 sa Malacañang kung saan sinabi niyang walang plano ang kanyang administrasyong isapribado ang nasabing paliparan. 

Nilinaw niyang hindi maaaring isapribado ang isang paliparan. Tinitingnan daw ng kanyang administrasyon ang posibilidad na ipahawak ang pamamahala ng operasyon ng paliparan sa pribadong sektor. Ito ay mangyayari sa pamamagitan ng isang “management contract.” Layunin nitong ibsan ang traffic congestion sa nasabing paliparan.

Sa mga naunang fact check ng Rappler ay nilinaw nang kinakailangan ng panibagong batas kung papalitan ang pangalan ng NAIA dahil ipinangalan ito sa dating senador na si Ninoy Aquino sa bisa ng Republic Act  6639. 

Sa kasalukuyan, nakabinbin pa rin sa komite ang mga panukalang naglalayong palitan ang pangalan ng nasabing paliparan gaya ng House Bill 1253 at HB 610. – Ailla Dela Cruz/ Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!