2022 PH presidential race

HINDI TOTOO: Bilang ng mga gobernador na nag-endoso kay Marcos Jr.

Sofia Guanzon, Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

HINDI TOTOO: Bilang ng mga gobernador na nag-endoso kay Marcos Jr.
Hindi rin maaaring umabot sa 90% ng mga gobernador ang nag-endoso kay Marcos dahil may 13 nang gobernador ang nagpahayag ng suporta sa karibal niyang si Bise Presidente Leni Robredo – katumbas ng 16%
Buod 
  • Ang sabi-sabi: 90% o 73 ng 81 ng gobernador sa bansa ang nag-endoso kay Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa pagkapangulo. 
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: 52 ng 81 lamang o 64% ng mga gobernador ang nag-endoso na kay Marcos nang isulat ang fact check na ito. Hindi rin maaaring umabot sa 90% ng mga gobernador ang nag-endoso kay Marcos dahil may 13 nang gobernador ang nagpahayag ng suporta sa karibal niyang si Bise Presidente Leni Robredo – katumbas ng 16%.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Mula Abril 12, mabilis na kumalat sa Facebook ang ilang post na naglalaman ng sabi-sabing ito. 
Mga detalye 

Mula Abril 12, kumalat sa Facebook ang ilang mga post na nagsasabing 90% ng mga gobernador ay nag-endoso na kay presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. 

Ayon sa mga post na ito, 73 ng 81 na gobernador sa bansa ay opisyal nang nagpahayag ng suporta sa anak ng diktador.  

Hindi totoo ang sabi-sabing ito. 

Ayon sa tala ng Rappler at ng e-Boto, isang website at plataporman pang-edukasyon ngayong eleksiyon, 52 ng 81 na gobernador ang pormal nang nag-endoso kay Marcos nang isulat ang fact check na ito nitong Abril 20. 

Nangangahulugang 64% lamang ng mga gobernador ang nagpahayag ng suporta kay Marcos.

Hindi rin maaaring maging totoo ang 90% ni Marcos Jr. dahil 13 na gobernador na ang nag-endoso sa karibal niyang si Bise Presidente Leni Robredo – katumbas na ng 16%. Samantala, isang gobernador ang nag-endoso kay Senador Manny Pacquiao. 

May 15 na gobernador ang hindi nag-endoso o hindi pa nag-eendoso ng kandidato sa pagkapangulo.

Nagmula ang sabi-sabing ito sa isang opisyal na press release ng kampo ni Marcos, na na iniulat ng The Manila Times at iba pang news outlet noong Abril 12.  

Noong Abril 10, nagtipon-tipon ang 15 na gobernador sa headquarters ni Marcos sa Mandaluyong City upang ipahayag ang kanilang suporta.

Ayon sa press statement at mga artikulo, kinumpirma umano ni Quezon Governor Danilo Suarez ang pahayag nina Marcos, ngunit walang detalye o pangalan ng “90%” na sinasabing sumusuporta kay Marcos.

Sina Suarez ay kilalang taga-suporta ni Marcos at Duterte. Noong Marso, na-fact-check din si Suarez dahil sa pahayag niyang walang scam sa coco levy trust fund noong diktadura ng Ferdinand Marcos.

Basahin ang mga fact check na nagawa ng Rappler tungkol kay Marcos Jr. ngayong panahon ng eleksiyon: 

Maaaring basahin ang mga ibang fact check tungkol sa pamilyang Marcos dito.– Sofia Guanzon/Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!