2022 Philippine Elections

[EDITORIAL] Hindi family business ang demokrasya natin

Rappler.com
[EDITORIAL] Hindi family business ang demokrasya natin
Ang kaaway mo kahapon, kakampi mo ngayon. Ang hindi nagbabago ay ang pamamayagpag ng political dynasties.

Tampok sa balita ang pamimigay ng kuwarta nina Cavite Governor Jonvic Remulla, Nueva Ecija Governor Aurelio Umali, at Laguna Governor Ramil Hernandez sa panahon ng kampanya.

Medyo garapalan na rin. Hindi na nila alintana kahit maakusahan sila ng vote buying. Ano ang common denominator sa tatlo? Pawang mga miyembro sila ng political dynasties sa kani-kanilang mga probinsya.

At siyempre, ang dalawang front-runner ay tagapagmana ng dalawang pinakamakapangyarihang dinastiya sa bansa: si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at si Sara Duterte – ang mga anak ng dalawang strongman na parang pinagbiyak na bunga sa paggamit ng dictator’s playbook.

Dynasties namamayagpag

Matapos ang 2019 midterm elections, ayon sa pananaliksik ng Rappler, lumobo na sa 163 political families ang nasa poder sa bansa. 29% ng mga lokal na puwesto ay nakopo ng “fat” political dynasties – iyong may senador, kongresista, gobernador, at opisyal sa local government units (LGU) na sabay-sabay nakaupo at pawang nanggagaling sa iisang pamilya.

Ayon sa datos, Maguindanao ang may pinakamataas na porsiyento ng fat dynasties sa tumataginting na 51%. Sinundan ito ng Pampanga (49%), Bulacan (45%), Davao Occidental (41%), Isabela (41%), at Sulu (40%).

Maraming nagsasabi, hindi naman talaga problema ang dynasties sa politika. Tulad ng anong bagay, maraming bugok, pero marami naman daw okey. Totoo naman ‘yan.

Pero eto ang overarching na katotohanan/truth with a capital T: Ayon sa dating dean ng Ateneo School of Government na si Ronald Mendoza, may link o kaugnayan ang mga “fat dynasties” sa bad governance at underdevelopment sa lokal na antas. 

Uulitin namin. Bad governance at underdevelopment. Bakit ka nga ba magpapakamatay magsilbi kung panginoon ang pamilya mo sa isang lugar at halos prinsipe/prinsesa ka ng lalawigan? ‘Di ba nga, itong si Marcos Jr., papetiks-petiks lang nang gobernador siya ng Ilocos Norte?

Kalawang sa demokrasya ang dinastiya dahil binabakbak nito ang checks and balances at separation of powers. Mas madaling itago ang korupsiyon kung Kamag-anak Inc ang nagpapalakad sa city hall o sa kapitolyo. 

Nasisira ang transparency at impartiality ng isang nakaupo kung tagapagmana siya ng pampulitikang kapangyarihan. Iimbestigahan ba niya ang tatay niya, kuya niya, o asawa niya na siyang alkaldeng sinundan niya? Maglalakas-loob ba ang mga taong isiwalat ang baho ng dating opisyal kung ang nakaluklok ngayon ay kamag-anak niya?

Kakambal rin ng mga dinastiya ang warlordism. Kaya’t kapag nakabalita ka ng alkaldeng inambush, ang susunod na tanong ay: Sino ang kalaban niya sa politika? Alin-aling apelyido ang sangkot?

Pinananatili ng sistema ng dinastiya ang dependency sa isa o ilang pamilya. Sa bandang huli, hindi malusog na gobyerno ang naililikha. Kung hindi nakapagpapasulpot ng mga mahuhusay na contender sa politika, ibig sabihin, nabigo ang sistemang payabungin ang demokrasya.

At kung may iba mang magagaling na sasabak sa politika, hirap na hirap silang manalo dahil wala sa kanila ang money, machinery, at myth – 3 sa pitong M ng dynasty-building.

Dinastiya vs pagbabago

Nananatili ang panawagan para sa bagong politika. Kahit mga taga-suporta ni Marcos Jr. (tulad ng supporters ni Duterte) – umaasam sa pagbabago. Mula kay Cory Aquino na umani ng post-EDSA euphoria, kay Gloria Arroyo na nakinabang sa kaguluhan post-EDSA Dos, hanggang kay Rodrigo Duterte na nagsabing “change is coming” – paulit-ulit tayong nabibigo sa pagkakamit ng pagbabago.

Nagkaroon tayo ng Sangguniang Kabataan bilang sagot sa trapo politics – pero nauwi rin ito sa bulok na patronage politics at tadtad ng korupsiyon, nepotism, at ampaw na mga programa tulad ng pa-liga at pa-beauty contest. Imbes na matuto ng transparency and accountability, mas maaga lang natututo ang kabataan sa mechanics ng palakasan, pagsipsip, at pagpapadulas.

Ngayong eleksiyon, may pula, may rosas, may asul – at lahat sila nanliligaw sa political families. Ang kaaway mo kahapon, kakampi mo ngayon dahil lahat ay transactional. Ang hindi nagbabago ay ang pamamayagpag ng political dynasties. Sa ngalan ng pamilya, isinasaisantabi ang prinsipyo, values, at integridad. 

Sabi nga ni former dean Mendoza, “Give a chance to others. Our democracy is not a family business.”

Sa bandang huli, ito’y tungkol sa core values at principled leadership. Sino sa mga tumatakbo sa lokal at pambansang antas ang may ganitong katangian? Sila ang dapat nating piliin. #WeDecide: Atin ang Pilipinas.Rappler.com