Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Inosente ang mga Marcos dahil napawalang-sala si Imelda

Rappler.com
HINDI TOTOO: Inosente ang mga Marcos dahil napawalang-sala si Imelda
Napawalang-sala man si Imelda sa limang bilang ng tax evasion noong 2007, napatunayan naman na nagkasala siya sa pitong bilang ng katiwalian noong 2018
Buod
  • Ang sabi-sabi: Ang acquittal ni dating first lady Imelda Marcos ay pagpapatunay na inosente ang kanilang pamilya sa mga kaso ng pagnanakaw sa kaban ng bayan. 
  • Marka: HINDI TOTOO. Sumasang-ayon ang Rappler sa markang “Hindi Totoo” na nauna nang ibinigay ng Baguio Chronicle sa kanilang fact check sa sabi-sabing ito.
  • Ang katotohanan: Napawalang-sala man si Imelda sa limang bilang ng tax evasion noong 2007, napatunayan naman na nagkasala siya sa pitong bilang ng katiwalian noong 2018.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Ilang taon nang ginagamit ang palusot na ito tuwing may mga report tungkol sa mga kaso ng ill-gotten wealth ng pamilya ng diktador. 
Mga detalye 

Ginagamit na argumento ng ilang Facebook posts ang pagkapawalang-sala ni Imelda Marcos, asawa ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos, bilang patunay umano na “inosente” ang mga Marcos sa mga kaso ng pagnanakaw sa kaban ng bayan. Anila, dahil sa brainwashing ng midya, hindi alam ng mga tao na matagal nang acquitted ang mga ito sa “lahat ng kasong pagnanakaw.”

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Bagama’t napawalang-sala si Imelda sa limang bilang ng tax evasion noong 2007, napatunayan naman siyang guilty o nagkasala sa pitong bilang ng graft o katiwalian noong 2018. 

Sa nasabing kaso na dinesisyunan noong 2018, ang tinatayang halaga ng pampublikong pondong kinulimbat ni Imelda ay $200 milyon. Ilegal itong itinago at ipinadaan sa Swiss foundations. (BASAHIN: MISSING CONTEXT: Bongbong, Imelda Marcos acquitted of tax evasion)

Si Imelda ay nahatulan ng 6 hanggang 11 taon sa pagkabilanggo. Nagsumite siya ng apela at nagpiyansa ng halagang P300,000 noong 2018. 

Samantala, nakabinbin ang 18 pang kaso laban sa kanya habang may isang naka-archive sa anti-graft court. Labing isa sa mga ito ay mula pa noong Hulyo 1987.

Napatunayan mang may-sala si Imelda, nanatili pa rin siyang malaya dahil sa paggamit ng “post-conviction bail” habang inaapela niya ang naging hatol sa kanya. Pinayagan ng korte ang naturang pagpiyansa dahil sa katandaan at iba pang dahilang pangkalusugan ni Imelda.  – Rochel Ellen Bernido/Rappler.com kasama ng Baguio Chronicle

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.