2022 Philippine Elections

[EDITORIAL] Ang boksing sa Senado at ang circus 2022

[EDITORIAL] Ang boksing sa Senado at ang circus 2022
At ‘yan ang masakit na biro sa taumbayan. Si Bong Go ang pinakamakapangyarihang tao ngayon maliban sa Presidente
Editorial Animated Senate Bangayan

Katapusaan na ng Mayo at magtatapos na rin ang sesyon ng Senado.

Sa totoo lang, mami-miss namin si Senador Bong Go at ang kanyang… katalinuhan. 

Paano ba magpasikat kapag uhuging senador ka pa lang?

Eh di banggain ang pinaka-beteranong senador na pupunta ka pa lang ay pabalik na siya – si Senador Frank Drilon. 

Hindi nakapagtatakang kahit mga katunggali ni Drilon sa kabilang bakod ng pulitika ay bow sa linaw ng lohika niya at lalim ng kaalaman sa parlamentaryong larangan. Hindi rin nakapagtatakang nirerespeto si Drilon ng nakaupong Senate President ngayon. 

Pero tulad ng maraming tao sa Kongreso na hindi alam kung ano ang hindi nila alam – ‘yun bang clueless sa kanilang kasalatan at walang kakayanang magsuri ng sarili – sumugod si Bong Go.

At kumbaga sa boksing – bam – knockout sa Round 1. Matapos manumbat na dinedelay raw ng interpellation ni Drilon ang mga bills na magpapabuti ng takbo ng mga ospital – sinopla ni Drilon si Go: Kung ganoon, bakit mo inupuan ang bill nang 15 buwan?

At ‘yan ang dahilan bakit namin inuungkat ang usaping ito (maliban sa aliwin kayo). Inupuan ng komite ni Go ang isang bill na malaking tulong sana sa health care system na bibigay na anumang oras sa pressure ng pandemya. Kung umandar sana ang bill na ito nitong 15 buwang nakalipas, kinaya sana ng mga ospital ang delubyo ng mga COVID-19 na pasyente.

Noong Marso 2017, kinwestiyon naman ni Drilon ang bill ni Senador Manny Pacquiao na layong magbuo ng bagong boxing agency gayong meron namang Games and Amusement Board.

Pangkaraniwan na sa Senado ang mga katulad ni Go at Pacquiao na fish out of water sa buhay mambabatas. Ang mga artistang senador tulad ni Lito Lapid at Bong Revilla – tahimik lang at tila alam ang pecking order

Pero opkors, iba na ngayon. Si Rodrigo Duterte na ang Presidente. Puwede nang mag-alboroto ang katulad ni Manny Pacquiao kapag hindi natatalakay ang kanyang pet bill laban sa isa pang kaalyado ni Digong, ang isinusuka ng mga women’s advocate sa Pilipinas na si Pia Cayetano. 

Ang dating Boy Friday ng Pangulo ay isa nang senador. Iniluklok siya sa lakas ng endorsement ng kanyang amo at credit-grabbing ng Malasakit Centers. Siya ngayon ang senador na naghahari-harian sa august halls at nagtatampisaw sa kanyang incompetence. Siya ang senador na umiyak at nagsumbong kay Digong nang maakusahang nakialam sa frigates procurement ng Philippine Navy, habang pinapatunayan naman ito ng paper trail

At ‘yan ang masakit na biro sa taumbayan. Si Bong Go ang pinakamakapangyarihang tao ngayon maliban sa Presidente. 

Ito’y dahil tumatawid siya sa ehekutibo at lehislatura – na sadyang ipinaghiwalay ng Konstitusyon upang maiwasan ang pang-aabuso ng kapangyarihan. Lagi siyang nasa tabi ng Chief Executive – sa pagpirma ng batas, sa piging ng kaarawan, sa chopper, sa eroplano. Hindi sikreto na sa Palasyo, dumaraan kay Bong Go ang lahat ng gustong kumausap sa Presidente. Kapag siya ang bumulong, pinakikinggan ni Pangulong Duterte. 

Siya ang “little president.” At kung pakikinggan ang mga bali-balita, may pangarap siyang ilaglag ang katagang “little” at maging ganap na presidente. Ang tawag ng mga lolo at lola natin diyan: ang langaw na nakatungtong sa kalabaw.

Sa harap ng ganitong iringan sa Senado, nagsimula nang makita ng publiko ang internal na hidwaan sa partido ng Presidente, ang PDP-Laban. Dagok kay Pacman na nagbigay umano ng direktiba ang Pangulo kay party vice chairman at Energy Secretary Alfonso Cusi na ipulong sa isang national assembly ang mga myembro. Take note, hindi si Pacman ang inatasan. Totoo kaya ang chismis na gagamiting behikulo ang PDP-Laban para sa presidential daughter na si Sara Duterte at balakid dito ang presidential ambitions ni Pacquiao?

Nangangalingasaw na ang alimuom ng eleksiyon. Ang dating magkakakampi, ngayo’y magkakatunggali na.

Ito na naman ang sing-and-dance, ang pamumudmod ng pera. Eto na naman ang mga kampanyang tila stand-up comedy kung saan mapapakinggan mo lahat ng misogynist na biro – pero hindi ang plataporma ng aksyon. ‘Di ba’t pumatok diyan si Bong Go at Philip Salvador?

At ano itong balitang dumalaw ang mga magkapatid na Marcos – si Bongbong at Imee – kay Sara Duterte. Ganito rin ang nangyari noong Setyembre 2015, kung kailan binisita rin ni Bongbong ang alkalde ng Davao noon na si Rodrigo Duterte bago siya nag-file ng certificate of candidacy para sa bise presidente.

Kung meron tayong dapat na take-away sa mga pangyayaring ito ay buyer beware: nakamamatay ang pagboto sa incompetent at hindi karapat-dapat. Dahil sila ang mga taong ibinoto natin noong 2016, sila ngayon ang nagmamaneho nang tumama ang pandemya sa Pilipinas, at tingnan ‘nyo kung nasaan na tayo? Hindi pa rin tayo nakararaos sa pandemya at lockdowns. 

At sila pa rin ngayon ang nagkakandarapang pumosisyon – eh ano ngayon kung lugmok sa gutom ang mga tao – upang muli tayong ululin sa susunod na eleksiyon. Sana’y matuto naman tayo. #WeDecide. – Rappler.com