MANILA, Philippines – Sa Mayo 9, 2022, unang pagkakataon na sa buong bansa ay boboto ang mga Filipino sa panahon ng pandemya. (Naging matagumpay ang plebisito sa Palawan noong Marso 2021, ngunit inaabangan simula noon kung kakayahin na gawin din ang ganito sa lahat ng lalawigan nang sabay-sabay.)
Dahil may pandemya pa rin – at nagbababala ang health department na maaaring magkaroon ng COVID-19 surge kung di maingat ang mga tao – ang proseso ng pagboto ay hindi magiging katulad na katulad ng nakasanayan ng marami nang mga nagdaang eleksiyon. May mga karagdagang panuntunan at pag-iingat na gagawin.
Handa ang Commission on Elections pagdating sa guidelines. Paalala ni Emil Marañon, election lawyer na nagpapayo sa ilang kandidatong nasyonal at lokal, ang mga panuntunan para sa pagboto ngayong Mayo ay inihanda ng Comelec noong marami pang kaso ng COVID-19 at mas mataas ang alert level sa buong bansa. Kahit nagluwag na sa ilalim ng Alert Level 1 at 2, may nakahandang mas mahigpit na mga panuntunan ang Comelec na maaari nitong balikan.
Ang pinakamahalaga, maaari pa ring bumoto kahit ang mga may COVID-19 – may nakahandang espesyal na presinto para sa mga ito sa bawat voting center. Hindi rin kailangan ng vaccination card para makaboto.
Sa Episode 10 ng Ask Your Election Lawyer kasama si Rappler investigative editor Miriam Grace A. Go, ipaliliwanag ni Attorney Marañon kung ano ang dapat paghandaan, asahan, at tandaan ng bawat botante para sa ligtas na pagboto sa Mayo 9.
Pagkatapos ng ating episode ngayong Lunes, Abril 25, ika-7 ng gabi, i-check na sa Comelec Precinct Finder kung saan kayo nakatakdang bumoto. Sa araw ng eleksiyon, bukas ang mga presinto mula 6 ng umaga hanggang 7 ng gabi. – Rappler.com
Panoorin o pakinggan ang iba pang episode ng Ask Your Election Lawyer:
- Ask Your Election Lawyer: Oplan Baklas
- Ask Your Election Lawyer: Permit dito, permit doon
- Ask Your Election Lawyer: Tigil-proyekto, tigil-serbisyo?
- Ask Your Election Lawyer: Promises = Vote Buying?
- Ask Your Election Lawyer: ‘Pag government employee, bawal?
- Ask Your Election Lawyer: Libre-kampanya ng nakaupo?
- Ask Your Election Lawyer: Malayo man, malapit din…ang boto
- Ask Your Election Lawyer: ‘Hindi kami bayad – abonado pa!’
- Ask Your Election Lawyer: Ano ang ambag mo?