Metro Manila traffic

[EDITORIAL] Kamaynilaan para sa tao, hindi para sa mga sasakyan

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Kamaynilaan para sa tao, hindi para sa mga sasakyan

Nico Villarete

'Patse-patse.' May litanya ng singular projects, pero tila walang komprehensibong plano.

Paumanhin po, ayaw naming painitin ang ulo ninyo, Lunes na Lunes pa naman. Malaki ang tsansang nagmamadali kayong umalis kaninang umaga dahil ayaw ninyong matrapik. Malaki rin ang tsansang ipit na kayo sa trapiko. Napapabuntung-hininga na lang kayo.  

Siksikan, mausok, mainit, at higit sa lahat, mabagal. ‘Yan ang daily commute ng mga bumabiyahe araw-araw. Panoorin dito ano ang pangkaraniwang kalbaryo ng isang komyuter: #KomyuterDiaries: Traveling from different parts of Metro Manila. Partida pa ‘yan, hindi payday Friday, at hindi umuulan. 

Isang istatistika ang bullseye para sa amin pagdating sa trapiko: Nakatira tayo sa pinakamabagal na metropolis sa buong bansa. Ayon sa TomTom Traffic Index, slowest ang travel time sa ‘Pinas.

At palala nang palala ang mga traffic jam – umaabot daw ng 117 hours kada taon ang nawawala sa mga Pilipino dahil sa trapik, kumpara sa 12 hours 51 minutes noong 2022.  Kaya’t dysfunctional na siguro ang pinakamabait na tawag sa trapiko sa Metro Manila. Ang ibang karaniwang taguri? Buwiset, perwisyo, kalbaryo, at sari-saring mga mura.

Noong isang taon lang, sinabi ni Joey Concepcion, ang private sector lead advisor on the jobs sector ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., “Of course, you have traffic. I mean, there’s traffic all over the world in areas that the economy is really doing [well].” 

Eto ang glass half-full na thinking na hindi uubra sa traffic. Mister Concepcion, ano ba ang hinihithit mo?

Masakit sa ekonomiya ang trapik. Umaabot ito sa P3.5 bilyon sa “lost opportunities” araw-araw, ayon sa 2018 pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA). At maaari itong umabot sa P5.4 bilyon na kawalan araw-araw pagsapit ng 2035.

Pero ngayon, tila kahit ang Presidente ay nataranta na sa lala ng traffic. At ‘yun na nga ang natunghayan natin sa “town hall” nila. (PANOORIN. Be The Good: Commuters, cyclists watch and weigh in on Marcos’ traffic town hall)

At kung pagbabatayan ang town hall (without the townspeople), hindi naman nauubusan ng plano. Pero hindi intensiyon ang nakakapagbigay solusyon sa problema, kundi ang kahusayan ng plano.

Sa traffic summit – kung saan sila-sila lang ang nag-usap at hindi naman isinama ang stakeholders mula sa publiko – inamin ng mga namamahala sa pangunguna ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan na “patse-patse” (stopgap) ang mga plano.

Ibig sabihin, may pagtugon nga sa specific na problema. Halimbawa, ang MMDA nakatututok sa pag-ibsan ng paninikip ng trapik. Ang public works department, nakatutok sa konstruksiyon ng mga kalye. Etcetera, etcetera.

Sabi ng active transport advocate na si Ira Cruz tungkol sa traffic town hall ni Pangulong Marcos nitong Abril 10, ang narinig daw niya ay “litanya ng singular projects,” pero hindi raw niya narinig ang komprehensibong plano.

Dagdag din ng panelists sa discussion sa Rappler, sa titulo pa lang, traffic flow problems ang nais tugunan ng mga ahensiya ng gobyerno. Pero ang trapik ay sintomas, hindi ang ugat. 

Mas maraming sasakyan kaysa kapasidad ng mga kalye. Demand exceeds supply. ‘Yan ay ayon sa isang pag-aaral ng Rappler kung saan reference ang isang pag-aaral sa trapiko ng JICA.

Sa Singapore, hindi takot ang gobyernong limitahan ang pagbili ng mga kotse, kaya napakataas ng tax sa mga sasakyan. Sa katunayan, meron itong zero vehicle population growth rate kung saan mula 2018 ay hindi nito pinayagang dumami ang kotse. Mass transport system ang mobility preference ng mga tao at hindi pagmamaneho o pagsakay sa kotse. Isa pang leksiyon na puwedeng mahalaw sa Singapore ay ang ban nito sa single-car occupancy. Pero matinding political will ang kailangan upang magpatupad ng mapapait na mga solusyon. 

Pero ‘yan na nga ang isyu, walang mass transport system na matatawag sa Metro Manila, sakaling magkalakas-loob ang gobyernong banggain ang car manufacturers. Kapag walang mass transport system (ibig sabihin, isang network ng konektadong mga public transport), lahat ng ibang solusyon ay stopgap.

At teka, isa pang pet-peeve: ang mga nangingikil (at kahit simpleng naninita lang) na traffic enforcer. Nakadadagdag pa sila sa traffic dahil kapag pinatigil nila ang isang kotse o truck, aba’y kailangang iwasan ‘yan ng mga nasa likurang sasakyan at otomatikong lalo pang bumabagal ang traffic flow. 

At napapag-usapan na rin ang pangarap nating lahat na siyudad na kaigaigayang tirhan, nakadidismaya ang Kamaynilaan sa pagtugon sa pangangailangan ng matatanda (na maaaring naka-wheelchair) at mga disabled. Simpleng rampa at bagon ay hindi magkapantay ng lebel sa MRT stations, kaya’t napakahirap gamitin ng mga mobility-challenged. (PANOORIN. Pasadahan: A Rappler documentary on PWDs and our train system.)

Kulang ang isang umaga upang pag-usapan ang TUNAY na ugat ng trapik at kahirapan ng mobility sa sentrong lungsod. Basahin dito ang komprehensibong pag-aaral ng Rappler: Metro Manila’s traffic problem explained

Pero teka, may bagong stopgap measure ang Metro Manila Development Authority (MMDA): ang pagshi-shift ng oras ng trabaho ng local governments sa Metro Manila sa 7 am-4 pm, mula 8 am-5 pm.

Kung taga-probinsiya ka na dapat nasa opisina sa Maynila nang 7 am, anong oras available ang buses paluwas? Magga-Grab ka ba kung afford mo, o male-late ka, o hindi ka na lang matutulog?

Kung anong ridiculous logic ito ng MMDA, hindi natin alam, pero sabi ng netizens, inagahan ‘nyo lang ang trapik, hindi ‘nyo binawasan. 

Eh sinarhan ‘nyo na nga ang Philippine National Railway, at mape-phase out pa ang traditional-style jeepneys. Wala ba talagang nagbabalangkas ng urban mobility blueprint at hindi kanya-kanyang diskarte na lang? At sa 2029 pa inaasahang matatapos ang Metro Manila subway, na nakadadagdag sa trapiko ngayon ang construction.

Ayon kay Rigel Magcale sa artikulo niya sa Rappler, ang mga espasyo raw ay dapat dinisenyo para sa mga tao. Dominated ng sasakyan ang transport system natin at tila afterthought lang ang mga tao. Nilalamon ng mga kiosk at vendor ang mga sidewalk o di kaya’y nagiging paradahan ng mga sasakyan. 

Hindi prayoridad ng mga gumagawa ng polisiya (with a few exceptions) ang mga naglalakad o nagba-bike. (Panoorin dito ang dokumentaryo ng Rappler sa hirap ng pagbibisikleta sa Maynila: How bike-friendly is Metro Manila? We rode 120 kilometers to investigate.)

Whether we like it or not, sa Kamaynilaan umiinog ang buhay natin – dito tayo naghahanap-buhay, dito nag-aaral ang mga anak natin. Gawing siyudad para sa tao ang Metro Manila. Hindi kailangang manatiling impiyerno ang buhay dito. To quote, “Dapat bida ang pangkaraniwang tao.” #MakeManilaLivableRappler.com

1 comment

Sort by
  1. ET

    Totoo: “Hindi prayoridad ng mga gumagawa ng polisiya (with a few exceptions) ang mga naglalakad o nagba-bike.” Prayoridad ng ating pamahalaan ang mga mayaman – yong may kaya bumili ng kotse at iba pa. Sila naman yong mga campaign fund donors ni PBBM at sila yong may mataas na posisyon sa pamahalaan at may-ari ng malaking mga negosyo. Dapat hindi na tayo masorpresa nito.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!