year-end stories

Highlights ng ekonomiya ngayong 2021

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Highlights ng ekonomiya ngayong 2021

Raffy de Guzman

Bago sumapit ang bagong taon, balikan muna natin ang mga nangyari ngayong 2021, focusing sa ekonomiya ng bansa

Kung iisipin, bagama’t medyo bumuti na ang lagay ng pandemic at ekonomiya, ang 2021 ay maituturing na isang continuation ng malagim na bangungot ng 2020.

At, ayon nga sa ilang witty netizens, nagbabanta ang 2022 na maging “2020, too.”

Pero bago sumapit ang bagong taon, balikan muna natin ang mga nangyari ngayong 2021, focusing sa ekonomiya ng bansa.

1) Matagtag (hindi matatag) na recovery          

Mula sa kahindik-hindik na 10% na pagdapa ng produksiyon noong 2020, bumalik na tayo sa positive 5% growth sa unang tatlong quarter ng 2021. Bunga ito ng bakunahan at pagluluwag ng ating ekonomiya. Pero matagtag pa rin (hindi matatag) ang recovery at ’di pa rin nakababalik ang ekonomiya sa pre-pandemic na antas ng produksiyon. Medyo mapanlinlang din ang positive growth ngayong taon dahil hinaluan ng tinatawag na “base effect”: sobrang baba kasi ng pinanggalingan natin noong 2020.

Ang mas malaking problema, aabutin daw ng isang dekada bago tayo makabalik sa trajectory na tinatahak ng ating ekonomiya bago ang pandemya. Ayon sa National Economic and Development Authority, lagpas P41 trilyon ang long-term costs ng pandemya sa ating ekonomiya sa susunod na apat na dekada.

2) Mataas na unemployment, kahirapan

Napakarami pa ring walang trabaho. Noong Oktubre, 3.5 milyon ang unemployed, mas mataas nang 47% kumpara sa bilang ng unemployed noong Enero 2020 sa simula ng pandemya. Nabalita ring 26.1 milyon ang maituturing na mahirap ngayong umpisa ng 2021, halos 4 milyong higit sa kaparehong panahon noong 2018. Nabura ang ipinagmamalaking “gains” sa poverty reduction ng administrasyong Duterte. Marami pa ring nakaranas ng gutom: 2.5 milyong pamilya noong Setyembre, o 19% na mas marami bago ang pandemya.

3) Mataas na presyo ng bilihin

Sumabay sa pasakit sa mga Pilipino ang pagkataas-taas na presyo ng mga bilihin ngayong 2021. Mula Enero hanggang Nobyembre, ’di bumaba sa 4% ang inflation sa bansa (ang inflation sukat ng bilis ng pagtaas ng mga presyo). Karne ng baboy, isda, at gulay ang pangunahing dahilan. Pero umaray din ang mga Pilipino sa presyo ng kuryente at mga produktong petrolyo.

Ang kalimitang panlaban ng gobyerno sa mataas na inflation ay ang pagtataas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng pangunahing interest rate nito. Ngunit hindi magawa ng BSP na itaas iyon dahil masyado pang maaga at baka maudlot ang recovery ng ating ekonomiya. Isa pa, ang mataas na presyo ngayon ay dulot ng supply, hindi demand.

4) Nasaan ang ayuda?

Sa kabila ng mga pasakit ng mga Pilipino ngayong 2021, itinipid ulit ng gobyerno ang ayuda ngayong taon. Hindi ipinasa ng Kongreso ang panukalang Bayanihan 3 na magbibigay sana ng ’di bababa sa P400-bilyong ayuda sa mahihirap at maliliit na negosyo. Imbes na tulungan ang mga mahihirap, gusto pa sanang isingit sa Bayanihan 3 ang pensiyon ng mga pulis at sundalo. Tinulungan din ni Duterte ang mga korporasyon sa pamamagitan ng pagpirma ng CREATE Law noong Marso, na nagpababa sa buwis nila. Dahil sa kawalan ng ayuda, umusbong tuloy ang community pantries sa buong bansa na ni-red tag naman ng gobyerno. Pati health workers ay hindi nabigyan agad ng ayuda, kaya’t kaliwa’t kanan ang kanilang protesta.

Kung may kaunting pera man para sa ayuda, hindi rin wasto ang paggastos doon ng gobyerno. Halimbawa, ’yung bilyon-bilyong pondo sa Bayanihan 2 na ’di nagastos ni Duterte sa oras, ibinalik na lang sa Treasury. Pera na, naging bato pa.

5) Mali-maling budget priorities

Supposedly, “pandemic budget” daw ang 2021 budget. Ito ang pagkakataon ng gobyerno na i-recalibrate ang priorities nito dahil sa krisis na dulot ng pandemya. Ngunit ang ending, mistulang “business-as-usual” ang 2021 budget. Imbes na magbuhos ng pera sa bakuna at ayuda, nagbuhos sila ng pera para sa mga ahensiya ng gobyernong may kinalaman sa infrastructure (Build, Build, Build). Bilyones din ang inilaan para sa NTF-ELCAC na involved sa red-tagging. Unfortunately, mukhang magiging mali-mali ulit ang budget priorities sa 2022.

6) Bakunahan galore

Susi ang mabilis na bakuhanan para makabangon ulit ang ekonomiya. Ipinangako ng gobyerno na by end of 2021, 70 milyong Pilipino ang fully vaccinated, o humigit-kumulang 70% ng populasyon. Pero as of Disyembre 27, lagpas 43% pa lang ang fully vaccinated. Talaga namang naging mabagal ang rollout ng bakuna mula Marso (minsan mistula pang eksena sa Hunger Games), at ngayon na lang bumilis sa huling bahagi ng 2021.

Ang problema, mukhang tatlong doses na ang ibig sabihin ng “fully vaccinated” ngayon dahil sa mga bagong variants ng virus. Kailan kaya mabibigyan ng booster shots ang karamihan ng mga Pilipino? Maaawat ba natin ang panibagong wave ng Omicron at iba pang variants sa hinaharap?

7) Lockdowns, face shields

Bagama’t bumibilis na ang rollout ng bakuna, tandaang naging palpak ang iba pang aspeto ng pandemic response ng gobyerno. Ito rin ang dahilan ng mabagal na recovery ng ating ekonomiya at pasakit na pinasan ng mga Pilipino.

Kabilang sa mga kapalpakan ang sunod-sunod na lockdowns (na pumapatay sa kita at kabuhayan ng mga tao), pati ang pagpupumilit na magsuot tayong lahat ng face shields (kahit walang siyentipikong ebidensiya na epektibo ito laban sa COVID-19). Ang contact tracing, palabas na lamang. At ang mga ospital madali pa ring napuno noong kumalat ang Delta variant. Worse, nagpapakalat pa ng mga kasinungalingan ang economic managers ni Duterte sa pagsasabing ’di afford ng gobyerno ang ayuda, at dapat daw tayong mamili sa kalusugan at ekonomiya. Mali parehas.

In short, walang kadala-dala ang gobyerno. Kailan sila matututo sa mga kamalian nila?

8) Utang pa more

Gabundok na ang utang ng bansa ngayong 2021. Mula 2020, umabot na sa P1.15 trilyon ang foreign loans and grants na kinuha natin mula sa multilateral agencies (World Bank, Asian Development Bank, atbp.) at dayuhang gobyerno. Pero kung ibibilang ang ibang utang ng gobyerno (’yung utang bago ang pandemya at mga bagong utang mula sa mga Pilipino mismo), halos P12 trilyon na ang utang ng bansa. Noong Setyembre, umabot na rin sa lagpas 63% ang debt-to-GDP ratio – pinakamataas sa loob ng 16 na taon.

Okay lang sana ang paglobo ng utang ng Pilipinas, kung maayos ang paggastos ng mga inutang, at kapita-pitagan ang pandemic response ng gobyerno. Eh hindi. Naging kulelat pa nga tayo sa global rankings hinggil sa pandemic response.

9) Kurapsiyon sa gitna ng pandemya

Sa karaniwang taon, ’di pinapansin ng madla ang reports ng Commission on Audit (COA) hinggil sa paggastos (o hindi paggastos) ng pera ng mga ahensiya ng gobyerno. Pero naging viral ang mga ito ngayong 2021. Paano naman kasi: gipit na nga sa pera ang gobyerno, naatim pa ng ilang opisyal na kurakutin ito o ilaan sa mga ma-anomalyang transaksiyon. Pinakamalala ang Pharmally scandal, kung saan bilyon-bilyong COVID-19 funds ang napunta sa isang kompanyang kaliwa’t kanan ang red flags, at itinulak ng mga alipores ni Duterte mismo. Ito ba ang “fiscal discipline” na ipinagmamalaki ng economic managers ni Duterte?

10) Election fever

Ngayong 2021 pa lamang ay mainit na ang labanan para sa paparating na halalan sa Mayo 2022. Sobrang high stakes noon: ang bilis o bagal ng recovery ng ekonomiya natin (at ng Pilipinas in general) ay nakasalalay sa lider na mauupo sa Malacañang sa 2022. Alam na natin ang mga tatakbo, pero karamihan sa kanila (maliban kay VP Leni Robredo) ay wala pang kongkreto at komprehensibong planong inilatag upang tugunan ang kaliwa’t-kanang problema ng bansa, lalo na’t alam nating magpapatuloy pa rin ang pandemya sa 2022.

Samut-saring problema ang kakaharapin ng susunod na pangulo, at magiging mahirap ang daan patungo sa recovery. Kaya nawa’y mamili tayo ng lider na mahusay, matalino, at may tunay na malasakit sa taumbayan. Isang lider na magpapabilis (at hindi lalong magpapabagal) sa recovery ng ating ekonomiya at bansa.

On that note, Happy New Year sa inyong lahat! – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.